top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Tuloy FC, ginulantang ang Ph Army sa Copa Cup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 18, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 18, 2023




Lumikha agad ng ingay ang Tuloy FC at ginulat ang Philippine Army, 3-2, sa unang weekend ng 2023 Copa Paulino Alcantara sa Rizal Memorial Stadium. Nakamit din ng Philippine Air Force, Davao Aguilas-UMak at Club de Futbol Manila ang mahalagang unang tagumpay.


Inihatid ni reserba James Demate ang nagpapanalong goal sa ika-89 minuto. Unang lumamang ang Tuloy sa goal ni John Levis Sajor sa ika-14 subalit inagaw ng Army ang lamang sa magkasunod na goal ni Jimuel Ariola sa ika-22 at 26 para maging 2-1 ang halftime.


Si Sajor din ang nagpasok ng pantablang goal sa ika-48, sapat para mahirang na Man of the Match. “Para po sa akin, pinapatunayan namin na kahit street children kami kaya namin lumaban sa matataas, 'yun lang po,” wika ni Sajor habang nilalabanan ang luha.


Bumomba ng goal si Dari Poderoso sa ika-46 para hatakin ang PAF kontra Don Bosco Garelli United, 1-0. Kumuha ng mga goal sa second half ang Aguilas mula kay Serge Kaole (58’) at Rendon Cielo (73’) at biguin ang Adamson University, 2-0, habang pareho ang kuwento sa 2-0 tagumpay ng CF Manila sa Loyola FC sa likod ng mga goal nina Miko Umilin (75’) at Benjie Panotes (82’).


Samantala, hindi nagpahuli ang mga kababaihan ng Tuloy at inukit ang 6-2 panalo laban sa UST sa pagpapatuloy ng 2023 PFF Women’s League sa National Training Centre sa Carmona, Cavite. Bumida si Isabella Marie Bandoja sa kanyang apat na goal (33’, 40’, 54’, 74’) habang tig-isa sina Arjhane Bolivar (24’) at Lanie Ortillo (44’). Naging 2-2 tabla ang maagang tapatan ng defending champion De La Salle University at PFF Women’s Cup at UAAP champion Far Eastern University.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page