Tulong pinansyal sa mga mag-aaral sa pribadong paaralan, palalawakin
- BULGAR

- Jul 17, 2025
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | July 17, 2025

Muling inihain ng inyong lingkod ang ating panukalang batas na nagpapalawak sa saklaw ng tulong pinansyal sa mga mag-aaral na nasa pribadong paaralan.
Una nating inihain ang Government Assistance to Private Basic Education Act noong 19th Congress at sa pagbubukas ng 20th Congress, patuloy nating isinusulong ang repormang ito upang ihatid sa mas maraming mag-aaral ang dekalidad na edukasyon.
Sa ilalim ng ating panukala, maaari nang makatanggap ng tulong pinansyal ang ating mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6. Isinusulong din natin na voucher system na lamang ang gamitin sa paghahatid ng tulong pinansyal sa magiging mga benepisyaryo ng programa.
Matatandaan na noong sinimulang ipatupad ang senior high school, nagkaroon ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP), kung saan nakatanggap ang mga kuwalipikadong mag-aaral ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng mga voucher. Ipinatupad ang programang ito upang matugunan ang kakulangan ng silid-aralan dahil sa pagkakaroon ng Grade 11 at Grade 12.
Maliban sa SHS-VP, isa rin sa mga programang ipinapatupad sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (GASTPE) ang Educational Service Contracting (ESC).
Ginagamit ng ESC ang labis na kapasidad ng mga kuwalipikadong high school upang tustusan ang edukasyon ng mga mag-aaral na papasok sana sa mga pampublikong paaralan. Layon ng programa na mabawasan ang siksikan sa mga pampublikong paaralan at matulungan ang mga pribadong paaralan pagdating sa kanilang enrollment.
Noong nakaraang taon, nirepaso ng Senate Committee on Basic Education ang pagpapatupad sa GASTPE. Batay sa ginawang pagsusuri ng Department of Education sa tulong ng Asian Development Bank, lumalabas na mas makakatipid ang pamahalaan kung tutustusan nito ang voucher system imbes na magpatayo ng mas maraming silid-aralan.
Kung tatanggapin ng public school system ang labis na 7.3 milyong mag-aaral sa susunod na 30 taon, P3.7 trilyon ang kabuuang halaga na gagastusin ng pamahalaan o P124 bilyon kada taon. Samantala, P2.6 trilyon ang gagastusin ng pamahalaan para sa voucher system sa susunod na tatlong dekada, katumbas ng P86 bilyon kada taon.
Lumalabas na makakatipid ang pamahalaan ng P1.1 trilyon sa susunod na 30 taon kung tutustusan nito ang voucher system.
Sa kabila nito, lumalabas na hindi rin nagtagumpay ang ESC na makamit ang mga layunin nito, lalo na pagdating sa pagbabawas ng siksikan sa mga pampublikong paaralan. Kaya naman isinusulong nating gumamit na lamang ng isang sistema sa pamamagitan ng voucher system.
Sa ating panukalang batas, nais din nating patatagin ang criteria sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga magiging benepisyaryo ng GASTPE. Kabilang sa mga criteria ang sitwasyon na siksikan ang mga mag-aaral sa kanilang silid-aralan, pati na rin ang performance ng mga pribadong paaralan, at tuition na sinisingil ng mga ito sa mga mag-aaral.
Magiging mandato rin sa DepEd na magkaroon ng pamantayan para sa accreditation at quality assurance ng mga paaralang lalahok sa GASTPE. Nais din nating tiyakin na mabibigyan ng prayoridad ang mga mag-aaral na galing sa mga mahihirap na pamilya. Magiging automatic recipients din ang mga nakapagtapos ng Alternative Learning System (ALS).
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com








Comments