top of page

Tulong pinansyal at pabahay, good news sa mga kababayan sa Cebu

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 9
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | October 9, 2025



Boses by Ryan Sison



Matapos ang trahedya, may bigay na pag-asa naman para sa mga taga-Cebu na biktima ng magnitude 6.9 na lindol. 


Sa kabila ng patuloy na aftershocks at takot na muling gumuho ang lupa, pinatunayan ng National Housing Authority (NHA) na may gobyernong kumikilos, hindi lang basta pangako. Pinangunahan ni NHA General Manager Joeben Tai ang plano para sa permanenteng pabahay ng mahigit 2,000 pamilyang naapektuhan sa Bogo City at San Remigio.


Tiniyak din ng ahensya na ligtas at malayo sa ground zero ang mga bagong tahanan. 

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 62,531 bahay ang napinsala sa Cebu, habang mahigit 9,000 aftershocks ang naitala ng PHIVOLCS. 


Sa San Remigio, may mga sinkhole pang lumitaw, na nagdudulot ng matinding kaba sa mga residente. Ngunit sa likod ng lahat ng ito, may liwanag pa ring sisikat para sa ating mga kababayan. 


Ang bawat pamilyang nasalanta ay makatatanggap ng libreng row house na may 27-square meter, two-bedroom unit sa 40-square meter lot. May kasama pa itong paaralan, covered court, at mga community facilities — mga pasilidad na nagsisilbing paalala na ang buhay ay tuloy pa rin, matapos ang mga unos na ating kinaharap. 


Hindi lang bahay ang hatid ng NHA, kundi tulong pinansyal din. May P10,000 na ayuda para sa mga bahagyang napinsala at P30,000 naman para sa mga lubos na nawalan ng tahanan. 


Bukod pa rito, may isang buwang palugit din sa pagbayad ang mga may housing amortization sa Cebu at Masbate. 


Sa kasalukuyan, nasa tent city ang 2,500 pamilya, habang hinihintay ang pagtatayo ng kanilang permanenteng tahanan. 


Ang hakbanging ito ng gobyerno ay isang malaking tulong para sa mga Pinoy na nasalanta ng mga kalamidad at patuloy pa ring lumalaban. 


Sa panahon ng sakuna, ang tunay na lider ay nakikita sa gawa, hindi sa mabulaklak nitong mga salita. 


Sa bawat bahay na itatayo ay simbolo ng katatagan ng mga Pinoy na kahit gaano kalakas ang lindol, mas matibay pa rin ang diwa ng bayanihan na nagbibigay pag-asa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page