top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tulong legal sa pag-aampon

BULGAR
Apr 7, 2022
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | April 7, 2022


Dear Chief Acosta,

Maaari po bang magbigay ng tulong legal ang Public Attorney’s Office (PAO) sa mga kaso tulad ng pag-aampon o adoption?


Juna



Dear Juna,

Ang sagot sa inyong katanungan ay malinaw na tinugunan ng ating 2021 Binagong Manwal Para sa Operasyon ng Tanggapan ng Abogado ng Bayan o Public Attorney’s Office (PAO). Para sa inyong kaalaman, nakasaad sa Artikulo 8, ikaapat na talata, na hindi maaaring hawakan ng isang manananggol pambayan ang kaso patungkol sa pag-aampon maliban na lamang kung ang mag-aampon ay ang tunay na mga magulang o kaya ay ang amain o madrasta ng aampunin:

“ARTIKULO 8. Mga Kasong Hindi Dapat Hawakan. Ang mga Manananggol Pambayan ay hindi dapat magbigay ng serbisyong legal sa mga kliyente na ang kaso ay gaya ng sumusunod:

1. Kung mayroong tinatawag na magkasalungat na interes (conflict of interests) sa kasong hinawakan o hinahawakan at legal na serbisyo na ibinigay o ibinibigay ng isang Manananggol Pambayan; x x x


2. Mga kaso ng pag-aampon maliban na lamang kung ang mag-aampon ay tunay na mga magulang o kaya ay amain o madrasta ng aampunin, ngunit kailangan nilang pumasa sa Sukatan ng Pagiging Maralita ng PAO.” (Binigyang-diin)

Kaugnay sa nabanggit, malinaw din na limitado lamang sa mga tunay na magulang o amain/madrasta ang maaaring tulungan ng ating ahensiya sa mga kaso ng pag-aampon. Bukod pa rito, nararapat din na pumasa sila sa ating Sukatan ng Pagiging Maralita, viz:

“ARTIKULO 3. Sukatan ng Pagiging Maralita (Indigency Test). – Sa pagsaalang-alang sa kamakailan lamang na ginawang survey o pag-aaral sa halagang kailangan ng isang pangkaraniwang pamilyang Filipino na (a) bumili ng kanyang “food consumption basket” at (b) magbayad sa kanyang gastusin sa bahay at iba pang personal na gastusin, ang mga sumusunod ay kinokonsiderang kasama sa mga maralita:

1) Kapag nakatira sa siyudad o munisipalidad sa loob ng Pambansang Rehiyong Kapital (National Capital Region [NCR]), mga tao na mayroong indibidwal na kita (net income) na hindi lalampas sa dalawampu’t apat na libong piso (P24,000) kada buwan;

2) Para sa mga nakatira sa ibang siyudad sa labas ng NCR, mga taong ang indibidwal na net income ay hindi lalampas sa dalawampu’t dalawang libong piso (P22,000) kada buwan; at,

3) Para sa mga munisipalidad sa labas ng NCR, mga taong ang indibidwal na net income ay hindi lalampas sa dalawampung libong piso (P20,000) kada buwan.”

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page