Tulad ni Obama, makatikim din kaya ng mura si Biden kay P-Duterte?

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 9, 2020
TALO NG SILENT MAJORITY ANG POPULAR—Bago mag-start ang campaign period sa United States (US) ay maraming political analyst ang nag-predict na mananalo pa rin sa pagka-pangulo si US Pres. Donald Trump ng Republican Party dahil palagi itong lamang sa mga survey at minarkahan pa ng YouGov na popular ang US president sa katunggali niyang si ex-US Vice-Pres. Joe Biden ng Democrat Party.
Ang siste, nang magbotohan na ay talo ang Trump-Mike Pence tandem kasi ang dami palang silent majority na nakasuporta sa tambalang Joe Biden-Kalama Harris.
Diyan napatunayan na talo ng silent majority ang popular, period!
◘◘◘
MAKATIKIM DIN KAYA NG MURA KAY P-DUTERTE SI U.S. PRESIDENT-ELECT JOE BIDEN?—Kilala ang Democrat party na nagsusulong ng demokrasya at kumikilala sa human rights at katunayan nang paalalahanan noon ni ex-Pres. Barack Obama si P-Duterte tungkol sa demokrasya at karapatang-pantao, minura ng Philippine president ang US outgoing president (Obama) dahil nakikialam daw ito sa panloob na usapin ng Pilipinas.
Ang tanong ay makatikim din kaya ng mura kay P-Duterte si Biden kapag kinuwestiyon nito ang sitwasyon ng demokrasya at human rights sa Pilipinas? Abangan!
◘◘◘
NAGSISISI NA SIGURO SI GORDON SA PAGTATANGGOL KAY P-DUTERTE—Hindi man pinangalanan, pero tila ang tinutumbok ni P-Duterte na “mukhang pera” sa Philippine Red Cross (PRC) ay si Sen. Richard Gordon kasi siya ang masigasig maningil sa utang ng PhilHealth sa Red Cross.
Siguro, nagsisisi na si Gordon sa madalas na pagtatanggol niya kay P-Duterte kapag nababatikos ito ng iba’t ibang sector kasi imbes “thank you” ang isukli ng pangulo, sinabihan pa siyang “mukhang pera”, boom!
◘◘◘
HINDI DAPAT PULITIKO ANG MAMUNO SA RED CROSS—Matapos sabihang “mukhang pera”, dapat mag-resign na si Gordon bilang head ng PRC.
Sa totoo lang, hindi dapat pulitiko ang mamuno sa PRC kasi kung tulad ng pagkatao ni dating PRC head Rosa Rosal ang namumuno rito, tiyak na mahihiya ang pangulo na sabihang “mukhang pera” ang humanitarian organization, period!





Comments