top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Tuklasin ang kagandahan ng mundong nabalot sa dilim ng pandemya

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 23, 2021
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 23, 2021


Nagpatuloy na ang LakaRun Para sa Bagong Misyon noong Miyerkules, ika-20 ng Oktubre.


Tatlong linggo na ang nagdaan noong sinimulan ito mula Betis, Pampanga hanggang Malolos, Bulacan, na nagtapos sa Longos, Malabon. Dumating bandang alas-3: 00 ng hapon ang volunteers ng LakaRun para sa Bagong Misyon sa Parokya ng Santa Clara sa ilalim ng pamamahala ng mga paring pransiskano.


Dumating din ang mga police escorts alas-2: 00 ng hapon. Maraming salamat sa kapulisan ng Malabon. Alas-4: 00 ng hapon dumating na rin si Fr. Joel Sulse OFM kasama ng ilang kabataan ng parokya. Mabilis na naghanda ang kabataan ng kanilang dadalhing sulo para sa pa-gabing paglalakad mula kanilang parokya hanggang parokya ng San Pedro Bautista, sa San Francisco del Monte.


Ilang minuto rin kaming nagkuwentuhan ni Fr. Joel. Binalik-balikan namin ang mga aral at buhay ng amang si San Francisco ng Assisi. Isa sa mga matingkad na ugali at kaugalian ni San Francisco ay ang kanyang walang sawang paglalakad. Kaya, nakilala ang mga unang kasama ni San Francisco, “itinerant” o mahilig maglakad. Ito ang nabawasan at nawala noong nagsimula ang pandemya. Kung maraming gumagamit ng mga paa kahit sa paggala saanman naglaho ang lahat ng uri ng pagkilos mula gala hanggang gimik, mula pasyal hanggang bulakbol. Naging preso ang karamihan sa atin, kani-kanyang tahanan. Biglang natuon ang mga gawain sa loob ng bahay mula sa lahat ng uri ng online working at studying, kaya nauso nang husto ang mga salitang “stay/work/study at home.”


Isa pang kapansin-pansing epekto ng bagong kultura ng “stay at home” ay ang pagtaba ng marami dahil hindi nabawasan ang paglabas at ang paglalakbay sa labas. Ikinulong hanggang sa nawala na para sa marami ang pag-e-exercise. Ang isa pang nabawasan ay ang makabuluhang kuwentuhan o palitan ng iniisip, nararamdaman at bunga ng imahinasyon at pag-iisip. Ano ang naging epekto ng kawalan ng pagkilos ng katawan at ang malubhang pagtigil ng pagdalaw at pagkumusta sa pamilya at kaibigan? Nabawasan nang husto ang pangkalahatang kalusugan ng isip, damdamin, espiritu at katawan — maraming humina ang katawan at tuluyang nagkasakit.


Maraming naging emosyunal na humantong sa depresyon sa malaking bahagi ng populasyon.


Hindi ito mangyayari kung magpapatuloy ang paglabas, paglalakad at malalim at buhay na pagkukuwentuhan. Halos siyam na kilometro ang layo ng aming nilakad mula Longos, Malabon hanggang San Francisco del Monte. Inabot kami ng halos tatlong oras sa paglalakad dahil sa trapik sa mga kalye ng C3 at Araneta. Naglakad at nagkuwentuhan ang kabataan ng parokya ng Santa Klara at ng Birhen ng Laging Saklolo ng Project 8, Quezon City. At ganun din ang ginawa namin ni Padre Joel Sulse OFM.


Nakatutuwa at nakatataba ng puso ang palitan ng mga ideya.


Malaking tulong ang mahabang paglalakad para ilabas ang aming mga iniisip, inaalala, pinoproblema, gayundin ng aming pinapangarap.


Ito ang pinasimulan din ng Santo Papa para sa buong Simbahang-Katolika. Sinimulan ni Papa Francisco ang sinodo na kanyang ipinaliwanag bilang, “Magkasamang paglalakad sa iisang daan.” (Walking on the same road together.) Literal ang ibig sabihin ng magkasamang paglalakad sa iisang daan noong panahon ni San Francisco ng Assisi.


Kailangan ang dalawang elemento: ang paglalakad at ang kuwentuhan habang naglalakad. Subalit, hayaan na muna nating maganap ang pangalawang bahagi ng mahalagang paglalakbay na ito. Kaya nagsimula na sa lahat ng parokya ang naturang “sinodo”. Sa “sinodo”, paliwanag ng Santo Papa, kailangang magkaroon ng pagtatagpo (encounter); pakikinig (listening) at pagkilatis, pagkilala at pang-unawa sa kalooban ng Diyos (discernment).


Magandang pagkakataon na rin ito upang unti-unting lumabas ng tahanan at muling tuklasin ang sigla at kagandahan ng mundong nabalot sa dilim ng pandemya.


Dumating kami nina Fr. Joel Sulse OFM at ang ilang kabataan ng parokya ni Santa Clara ng Longos, Malabon sa parokya ng San Pedro Bautista sa San Francisco del Monte bandang alas-7:30 ng gabi. Sinalubong kami ng kabataan ng San Pedro Bautista sa pamumuno ng kanilang kura na si Fr. Irineo Tactac OFM.


Naganap ang ipinaliwanag ni Papa Francisco na mga banal na sandali ng pagtatagpo, pakikinig at panalangin at pagkilatis sa kalooban ng Diyos. Naganap ito dahil sa paglalakbay at pagkukuwentuhang isinagawa ng dalawang pamayanan… Na ngayon ay ginagawa ng lahat ng mga parokya at grupo ng Simbahang-Katolika.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page