True History, hinangaan sa 3-YO Above Maiden Race
- BULGAR
- Apr 6, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | April 6, 2023
Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang tikas ni True History sa rektahan matapos angkinin ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas noong Martes ng gabi.
Sinakyan ni jockey Jegir Paano, ipinuwesto si True History sa pang-apat sa largahan pero pagsapit ng far turn ay nasa segundo na ito at unti-unting lumapit sa nangungunang Sound Of Silence.
Pagdating ng huling kurbada ay nagkapanabayan na sa unahan sina Sound Of Silence, nasa bandang labas na Bantay Sarado at True History na sa tabing balya dumaan.
Dikdikan sa unahan ang tatlong nabanggit na kabayo sa rektahan subalit sa huling 100 metro ng laban ay umunat na si True History at tinawid ang meta ng may kalahating kabayong agwat sa pumangalawang Bantay Sarado.
Inilista ni True History ang tiyempong 1:28.4 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Melaine Habla ang P20,000 added prize.
Tumersero si Sound Of Silence habang pumang-apat si Jewel Of The Nile sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, siyam na karera ang inihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Martes kaya nasiyahan ang mga karerista sa kanilang paglilibang.





Comments