Tropang Giga, tinambakan ang Hotshots sa Game 1
ni Gerard Arce - @Sports | October 21, 2021

Pinulutan ng TNT Tropang Giga ang Magnolia Pambansang Manok Hotshots sa bisa ng buong larong demolisyon na 88-70 para kunin ang Game 1 sa best-of-seven championship series kagabi sa 2021 Honda Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, Pampanga.
Lubos na ipinadama ng Tropang Giga ang nakakasakal na depensa mula sa mainit na kamay ni 2020 4th draft pick rookie at Best Player of the Conference contender Mikey Williams na kumana ng double-double na 21 pts, 10 rebounds. Tumulong din sa opensa ang big men na sina Poy Erram at Kelly Williams. Tanging si Paul Lee lamang na kumulekta ng 12pts ang bumida sa Magnolia, habang nakuha lahat ni Calvin Abueva ang 11 pts. sa first half, kung saan maagang sumuko ang Hotshots na inilabas agad ang mga starters at gunners sa laro.
Nagtapat lang sa ikatlong pagkakataon sa championship series ang TNT at Magnolia, kung saan hawak ng Hotshots ang 2-0 sa panahon pa na dala nito ang koponan ng Purefoods na naghahanap ng ika-7th All-Filipino/Philippine Cup title ang Magnolia.
Bukod sa pressure defense na nagdulot ng 13 steals at 28 turnovers laban sa Magnolia, nadomina ang points of turnovers. Nagpamalas din ng higher percentage shots at magandang ball movements para sa sure baskets ang TNT na planong wakasan ang matagal na pangungulila sa kampeonato na huling beses nakatikim noon pang 2015 Commissioner’s Cup.
Matamlay ang naging pagsisimula ng Magnolia sa 4-of-20 shooting, kasama ang 5-of-9 free throws at 7 turnovers, kumpara sa 8-of-17 shooting ng TNT na pinangunahan nina Kib Montalbo, RR Pogoy at Kelly Williams upang makalamang ng 10-puntos sa 24-14 sa pagtatapos ng first quarter.
Sunod na maghaharap ang dalawang koponan sa Game 2 sa Biyernes 6 p.m.
Muling naka-ulit ng panalo ang Tropang Giga sa ginaganap na season sa elimination round noong Setyembre 05 sa iskor na 83-76.





Comments