Tropang Giga, sakalam ang signal sa Game 2
ni Gerard Arce - @Sports | October 23, 2021

Siniguro ng TNT Tropang Giga na maibubulsa nila ang ikalawang sunod na panalo sa Game 2 kontra Magnolia Pambansang Manok Hotshots sa bisa ng 105-93 upang makuha ang 2-0 lead, kagabi sa best-of-seven finals sa 2021 Honda Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, Pampanga.
Naging matatag sa mga huling minuto ng laro ang Tropang Giga na muling pinakinang ang opensa ni Best Player of the Conference candidate at league rookie leader Mikey Williams na bumanat ng 28 pts, habang sumuporta sa kanya ang mga beteranong sina Jayson Castro (16pts), Troy Rosario (12pts), Brian Heruela (11pts), at Ryan Reyes (10pts), habang kinulang naman sa suporta si Ian Sangalang sa 25pts na bitin ang nakuhang ambag kina Paul Lee sa 12pts at Calvin Abueva sa 11pts.
Maagang nagbaga ang mga kamay ng Tropang Giga sa three-point area nang kumana sina Williams, Reyes, Heruela, Castro at RR Pogoy ng 10-of-13 shooting para maagang dominahin ang laro sa 40-27 sa first quarter.
Ang 40 puntos ring naitala ng TNT sa first period ang pinakamalaki sa isang quarter sa championship series. Napa-abot din ng TNT sa 21-puntos ang ibinaong kalamangan kontra sa Hotshots sa second quarter sa 7:07 ng laro sa 57-36 mula sa free throws ni Williams. Bahagya lang naibaba ito ng Hotshots sa 16 sa 66-50 sa pagtatapos ng second quarter.
Mula sa 11 na lamang ng TNT sa 10:45 ng 4th period, nagsagawa ng 7-0 run ang Magnolia para ibaba na lamang sa 4 ang hinahabol sa 86-90, ngunit magkasunod na baskets ang isinalpak nina Mikey Williams at Heruela para muling ibalik sa 11 sa 97-86 sa 6:17. Patuloy pa nilang iniangat ito sa 15 sa 104-89 sa 1:54 para mas lalong pahirapan ang Magnolia.
Susubukan ng Tropang Giga na mas lalo pang ibaon sa serye ang Magnolia sa paghaharap nila bukas ng alas-4:35 hapon sa Game 3.





Comments