Tropang Giga at Bolts, target na ang Semis
ni Gerard Arce - @Sports | September 29, 2021

Paniguradong pupuntiryahin ng top seeds at may tangan na twice-to-beat advantage na TNT Tropang Giga at Meralco Bolts na maagang makapaghanda at makadiretso sa semis sa pakikipagharap sa defending champion Barangay Ginebra Kings at NLEX Road Warriors sa q'final round ng 46th PBA Philippine Cup sa Don Honorio Ventura State University sa Bacolor, Pampanga.
Tiyak na pipiliting sunugin ng Bolts ang daang tatahakin ng Road Warriors para maagang tapusin ang kampanya sa liga sa unang laro ng 3 p.m. habang tutuldukan ng Tropang Giga ang tangkang madepensahan pa ng Gin Kings ang korona sa 2020 PBA Bubble, at mas lalo pang paigtingin ang paghihiganti na tumalo sa kanila noong finals sa 6 p.m.
Sa kanilang huling paghaharap noong Set. 22, nauwi pa sa madikdikang laban ang sana’y tambakang laro na nagtapos sa 104-101 na panalo para sa Bolts. Dito binura ng Road Warriors ang 85-65 na kalamangan ng sister-company team sa 3rd period patungo sa final stretch ng laro. Hindi nagpatinag ang Road Warriors na naglalaro na wala ang serbisyo ng main guard nitong si Kiefer Ravena na nasa Japan B-League.
Gayunpaman, umusbong ang bagong tirador ng Road Warriors na si Calvin Oftana na kumana ng bagong rookie record na 34-pts sa 8 triples. Tiyak na tutulungan siya nina Kevin Alas, Jericho Cruz, Jr Quinahan, Raul Soyud, Mike Miranda, Don Trollano, at Kenneth Ighalo.
Malaki ang pagnanais ng Bolts na muling makabalik sa finals sa ika-4 na pagkakataon at mahanap ang kauna-unahan nilang titulo sa liga na paniguradong pagtutulungang kunin nina Allein Maliksi, Raymond Almazan, Chris Newsome, Cliff Hodge, Reynel Hugnatan, John Pinto, Bog Quinto, Mac Belo, Aaron Black at rookie Alvin Pasaol.





Comments