Tropang 5G tinungga ang 2-2 para ipatas ang Game 4
- BULGAR

- 17 hours ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | June 11, 2026

Photo: Agarang tumirada ng pagbasket si Ginebra Kings pointguard RJ Abarrientos sa harap ng dobleng depensa nina Roger Pogoy at Albert McCullogh kapwa ng Talk 'N Text Tropang 5G sa PBA Commissioners Cup Game 4 sa Araneta Coliseum. (Reymundo Nillama)
Laro ngayong Biyernes - Araneta 7:30 PM Ginebra vs. TNT
Humugot ng malalim ang defending champion TNT Tropang 5G upang masugpo ang Barangay Ginebra, 106-98, sa Game Four ng 2026 PBA Commissioner's Cup Finals Miyerkules ng gabi sa Araneta Coliseum. Pantay na ang seryeng best-of-seven sa 2-2.
Nagtayo ng 88-70 lamang ang Tropa na may walong minutong nalalabi. Lumabas muli ang diwa ng "Never Say Die" at tinapyas ng Gins ang agwat sa likod ng dalawang four-points ni Justin Brownlee, 94-102, subalit may handang sagot ang TNT sa huling dalawang minuto.
Photo: Itinanghal na Best Player of the Conference si RJ Abarrientos habang Best Import si Justin Brownlee sa PBA Commissioner's Cup sa Araneta Coliseum awarding ceremony sa halftime ng PBA finals Game 4, Miyerkules ng gabi. (Reymundo Nillama)
Best Player si Jordan Heading na may 29 puntos buhat sa limang tres bilang reserba, 16 sa pangalawang quarter. Pinuri ni Coach Chot Reyes si Heading na nagbuhat sa koponan lalo na sa gitna ng hirap mag-shoot ng mga kakampi sa simula. Sumunod si Chris McCullough na may 24, 13 sa huling quarter, na may kasamang 14 rebounds. Nagtala ng 14 si Jayson Castro.
Dikit ang unang tatlong quarter na nagwakas sa 75-68 pabor sa TNT. Hindi nakatulong sa Gin Kings na maagang pumulot ng foul si Scottie Thompson na lubhang umapekto sa kanyang kabuuang laro. Nanguna sa Ginebra si Brownlee na may 32 habang 21 si RJ Abarrientos.
Sumunod sina Japeth Aguilar na may 12 at Troy Rosario na may 11. Bago ang laro, pinarangalan sina Abarrientos bilang Best Player of the Conference at Brownlee bilang Best Import. Ang Game Five at Six ay sa Biyernes at Linggo, pareho sa Araneta.









Comments