Treasure Hunting kampeon sa Turf
- BULGAR
- Nov 7, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | November 7, 2023
Nasilo ni Treasure Hunting ang korona sa Special Invitational Race II matapos nitong ilampaso ang mga nakatunggali noong Linggo sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Kumaripas sa largahan si Treasure Hunting, hinawakan ang unahan upang manalo ng banderang tapos.
Nirendahan ni jockey John Alvin Guce si Treasure Hunting, tinawid nila ang meta ng may anim na kabayo ang agwat sa pumangalawang si Bombay Nights.
Kahit na kinapitan nina Bombay Nights at Daily Burn si Treasure Hunting paglabas ng aparato ay hindi ibinigay ng winning horse ang unahan.
Pagdating ng huling kurbada ay pinipilit ni Bombay Nights na makuha ang unahan kay Treasure Hunting pero pagsapit ng huling 150 metro ng karera sa rektahan ay umungos na ng sobra ang huli.
Inirehistro ni Treasure Hunting ang 1:39.2 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Den Tan ang P180,000 premyo habang napunta kay Bombay Nights ang P67,500 second place prize.
Nakapag-uwi din ang third at fourth na Magtotobetsky at Daily Burn ng tig-P37,500 at P15,000 ayon sa pagkakasunod sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.





Comments