Travel tax na pahirap sa publiko, sa wakas, wawakasan na
- BULGAR

- 22 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | February 25, 2026

Tama lang na muling suriin at tuluyang buwagin ang travel tax, buwis na matagal nang pinapasan ng karaniwang Pilipino sa bawat pag-alis ng bansa. Sa panahon ng mataas na pamasahe, visa, at iba pang bayarin, malinaw na hindi na akma ang travel tax sa kasalukuyang realidad ng ekonomiya. Ang pag-apruba ng House Committee on Tourism sa panukalang pag-alis nito ay hindi lamang para sa turismo kundi isang hakbang para sa ginhawa ng taumbayan.
Pinangunahan ng komite ang pag-apruba sa anim na panukalang batas na naglalayong burahin ang travel tax, kabilang ang House Bill No. 7443. Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, umaabot sa P1,620 ang singil sa economy class at P2,700 sa first class, halagang direktang binabayaran ng mga pamilyang Pilipino na nais magtrabaho, mag-aral, o magbakasyon sa ibang bansa.
Ayon sa isang opisyal, malinaw ang direksyon ng Kamara na alisin ang buwis na itinuturing nang pabigat, ngunit tiyakin ang malinaw at sustenableng alternatibong pondo para sa mga apektadong ahensiya. Kabilang sa kasalukuyang benepisyaryo ng travel tax ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Commission on Higher Education (CHED), at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Ibinahagi rin na 96 porsiyento ng nagbabayad ng travel tax ay economy class passengers at 90 porsiyento ng operating budget ng TIEZA ay mula rito. Iginiit din ng isang opisyal ng CHED ang kahalagahan ng Higher Education Development Fund, na halos 86 porsiyento ay galing sa travel tax, habang ang NCCA ay umaasa sa humigit-kumulang P600–P700 milyon kada taon para sa kultura at sining.
Sa kabila nito, malinaw ang paninindigan ng administrasyon. Hiniling mismo ng Pangulo na bigyang-prayoridad ang pagbasura sa travel tax na ipinataw noong Presidential Decree No. 1183 at pinanatili sa Tourism Act of 2009. Para sa kanya, ang buwis ay produkto ng lumang konteksto ng ekonomiya at dagdag pasanin na lamang ngayon. Nakatakda ring ilipat sa General Appropriations Act ang pondo ng TIEZA, CHED, at NCCA upang mas maging matatag at hindi pabagu-bago ang suporta ng gobyerno.
Ipinunto rin na maaari pang makalikha ng hanggang P22 bilyong dagdag-kita ang gobyerno mula sa mas aktibong galaw ng ekonomiya kapag naalis ang travel tax, kumpara sa humigit-kumulang P8 bilyong koleksyon kada taon na bumagsak pa sa zero noong pandemya.
Ang usapin ng travel tax ay usapin ng malasakit. Ang pagtanggal nito ay direktang ginhawa sa ordinaryong mamamayan—OFW man, estudyante, o sinumang nagnanais makapunta sa ibang bansa. Kung tunay na layunin ang inklusibong kaunlaran, nararapat lamang bawasan ang hindi makatarungang singil at palitan ito ng mas maayos, patas, at modernong sistema ng pagpopondo. Ang batas ay dapat sumabay sa panahon, at higit sa lahat, nagsisilbi sa tao.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments