top of page
Search
  • BULGAR

Trak, nahulog sa ilog, 4 nadale sa bumagsak na tulay

ni Lolet Abania | January 29, 2022



Apat na katao ang nasugatan na lulan ng 12-wheeler truck, matapos na ang kanilang sinasakyan ay bumulusok sa ilog kasunod ng pagbagsak ng tulay sa Majayjay, Laguna ngayong Sabado.


Ayon kay Laguna Provincial Police Office director Police Colonel Rogart Campo, naganap ang aksidente sa Barangay San Isidro, kung saan sakay ang apat na biktima ng 12-wheeler truck na galing sa Bacolor, Pampanga at nagta-transport ng buhangin patungong town proper via Provincial Road nang mag-collapse ang tulay na bakal.


Nahulog ang truck sa ilog na nasa 80 talampakang lalim.


Sinabi ng mga awtoridad na maaaring bumagsak ang tulay dahil sa mabigat na cargo na dala ng 12-wheeler truck.


“Itong tulay ay one-way lamang at 5 tons lamang ang capacity... May mga truck na dumadaan na lagpas 5 tons... Itong truck na naaksidente ay 12 tons na po at may dala pa itong buhangin,” paliwanag ni Majayjay, Laguna Police chief Police Captain Ruffy Taduyo sa isang interview ngayong Sabado.


“Maaaring masampahan ng kasong reckless imprudence resulting to damage to property ang driver dahil dumaan siya sa tulay kahit sobrang bigat ng dala ng truck,” sabi pa ni Taduyo.


Ayon kay Taduyo, agad na dinala ang apat na nasugatan sa ospital para gamutin, kung saan nagtamo ang mga ito ng minor injuries.


Sa ngayon, ang bahagi ng apektadong kalsada ay isinara habang ang mga motorista ay pinayuhang maghanap muna ng alternatibong ruta.


“Dahil sa pagbigay ng tulay, maaaring dumaan sa bayan ng Liliw... madaragdagan ang travel time,” saad ni Taduyo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page