Training programs para sa kabataan, palaganapin upang ihanda sa job market
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 20, 2021
Para makatulong sa pagbangon ng bansa mula sa pinsala ng COVID-19 at matugunan ang suliranin sa jobs-education mismatch, mariing hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na paghusayin pa lalo ang mga skilling at training programs para sa kabataan. Ang ating layunin dito ay maiangkop ang kakayahan nila oras na sumabak na sila sa labor market at maging bahagi ng mga industriya.
Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong nakaraang Marso, lumabas ang ilan sa mga hamon at mga suliraning kinahaharap ng skilling at training programs para sa mga kabataan lalo na ang mga nasa ilalim ng Technical-Vocational Education and Training (TVET).
Ayon sa naturang pag-aaral na isinagawa bilang bahagi ng Youthworks PH initiative ng organisasyong Philippine Business for Education (PBEd), marami sa mga aspeto ng training regulations ay hindi akma sa mga industry standards — bagay na suliranin na sa bansa bago pa tumama ang COVID-19 pandemic.
Hindi rin sapat ang kaalaman ng mga trainers at assessors sa pangangailangan ng mga industriya, ayon sa pag-aaral. Bukod pa rito, lumalabas din na kulang sa soft skills ang mga entry-level workers tulad ng communication skills at disiplina sa trabaho. Dahil dito ay inirerekomenda ng pag-aaral ang pagrepaso sa TVET curriculum upang matiyak na naituturo ang mga soft skills nang husto sa ilalim ng training regulations.
Inirerekomenda rin ang pagpapalawig sa paggamit ng mga flexible learning modalities at pagpapaigting sa mga digital skills, lalo na’t napilitan ang mga negosyong mag-online mula nang tumama ang pandemya. Maliban sa pag-convert ng mga learning materials para sa online at iba pang modalities sa pagtuturo, iminumungkahi rin ang pagsasanay sa mismong mga trainers sa flexible learning.
Isinusulong din ng naturang pananaliksik ang regular na ugnayan sa pagitan ng pamahalaan, mga employers at TVET providers upang matiyak ang pagkakaroon ng angkop na polisiyang tutugon sa iba't ibang isyu. Ang ganitong mga ugnayan o dayalogo ay inaasahang makatutulong sa pagsabay sa ilang mga pagbabago sa industriya, labor market at training landscape.
Upang makatulong sa pagkamit ng mga rekomendasyong ito ay isinusulong ng inyong lingkod ang pagbuo ng National Education Council (NEDCO). Sa ilalim ng Senate Bill No. 1526 o ang National Education Council Act, paiigtingin ang ugnayan at pagsasaayos ng mga polisiya sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa pagbangon ng ating bansa mula sa mga pinsalang dulot ng COVID-19, kailangang tutukan natin ang pag-angat ng kalidad ng pagsasanay ng mga kabataang mag-aaral upang maihanda sila kapag sumabak na sila sa trabaho at tiyaking ang kanilang kasanayan at kakayahan ay angkop sa pangangailangan ng mga industriya.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments