top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg
Search

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 08, 2021



Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang panukalang-batas na layong suportahan ang inclusive education at itaguyod ang mga serbisyo para sa mga mag-aaral na may kapansanan o learners with disabilities. Bilang sponsor at isa sa mga may akda ng panukalang-batas, nais bigyang-diin ng inyong lingkod na ito ay mahalagang hakbang upang masigurong ang mga mag-aaral na may kapansanan ay hindi mapag-iiwanan sa “better normal” ng edukasyon.


Sa ilalim ng “Instituting Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act” o ang Senate Bill No. 1907, walang mag-aaral na may kapansanan ang maaaring mapagkaitan ng oportunidad na pumasok at makapag-aral sa pampubliko o pribadong paaralan sa basic education.


Ayon sa panukalang-batas, ang paghahatid ng edukasyon sa mga mag-aaral na may kapansanan ay dapat sang-ayon sa United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities, ang UNESCO Convention Against Discrimination in Education, ang Incheon Strategy to Make the Rights Real for Persons with Disabilities in Asia and the Pacific, at ang Alternative Learning System Act o ang Republic Act No. 11510.


Layunin ng panukalang-batas na magkaroon ang bawat lungsod at munisipalidad ng Inclusive Learning Resource Center (ILRC). Ang mga ILRCs ay maghahatid ng mga serbisyong tulad ng linguistic solutions para sa mga deaf learners, mga serbisyo sa speech-language pathology and audiology, physical at occupational therapy, counseling at rehabilitation at serbisyong-medikal at transportasyon.


Ang mga ILRCs din ang magpapatupad ng Child Find System (CFS) upang matiyak na ang mga mag-aaral na may kapansanan na hindi nakakapag-aral ay matukoy, mahanap, masuri at matulungang maging bahagi ng pormal na sistema ng basic education.


Ang bawat ILRC ay magkakaroon ng multidisciplinary team na kinabibilangan ng mga propesyunal at eksperto tulad ng mga special needs teachers, educational psychologists, guidance counselors, psychometricians, developmental pediatricians, physical therapists at speech and language therapists.


Bagama’t tinataya ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na may limang milyong kabataang Pilipino ang may kapansanan, wala pang kalahating milyon (439,700) ang naka-enroll sa mga DepEd schools para sa School Year 2019-2020.


Pinasasalamatan natin ang mga kapwa senador na kasama nating may akda sa panukalang-batas na ito. Congratulations sa ating lahat!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 20, 2021



Para makatulong sa pagbangon ng bansa mula sa pinsala ng COVID-19 at matugunan ang suliranin sa jobs-education mismatch, mariing hinihimok ng inyong lingkod ang pamahalaan na paghusayin pa lalo ang mga skilling at training programs para sa kabataan. Ang ating layunin dito ay maiangkop ang kakayahan nila oras na sumabak na sila sa labor market at maging bahagi ng mga industriya.


Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong nakaraang Marso, lumabas ang ilan sa mga hamon at mga suliraning kinahaharap ng skilling at training programs para sa mga kabataan lalo na ang mga nasa ilalim ng Technical-Vocational Education and Training (TVET).


Ayon sa naturang pag-aaral na isinagawa bilang bahagi ng Youthworks PH initiative ng organisasyong Philippine Business for Education (PBEd), marami sa mga aspeto ng training regulations ay hindi akma sa mga industry standards — bagay na suliranin na sa bansa bago pa tumama ang COVID-19 pandemic.


Hindi rin sapat ang kaalaman ng mga trainers at assessors sa pangangailangan ng mga industriya, ayon sa pag-aaral. Bukod pa rito, lumalabas din na kulang sa soft skills ang mga entry-level workers tulad ng communication skills at disiplina sa trabaho. Dahil dito ay inirerekomenda ng pag-aaral ang pagrepaso sa TVET curriculum upang matiyak na naituturo ang mga soft skills nang husto sa ilalim ng training regulations.


Inirerekomenda rin ang pagpapalawig sa paggamit ng mga flexible learning modalities at pagpapaigting sa mga digital skills, lalo na’t napilitan ang mga negosyong mag-online mula nang tumama ang pandemya. Maliban sa pag-convert ng mga learning materials para sa online at iba pang modalities sa pagtuturo, iminumungkahi rin ang pagsasanay sa mismong mga trainers sa flexible learning.


Isinusulong din ng naturang pananaliksik ang regular na ugnayan sa pagitan ng pamahalaan, mga employers at TVET providers upang matiyak ang pagkakaroon ng angkop na polisiyang tutugon sa iba't ibang isyu. Ang ganitong mga ugnayan o dayalogo ay inaasahang makatutulong sa pagsabay sa ilang mga pagbabago sa industriya, labor market at training landscape.


Upang makatulong sa pagkamit ng mga rekomendasyong ito ay isinusulong ng inyong lingkod ang pagbuo ng National Education Council (NEDCO). Sa ilalim ng Senate Bill No. 1526 o ang National Education Council Act, paiigtingin ang ugnayan at pagsasaayos ng mga polisiya sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).


Sa pagbangon ng ating bansa mula sa mga pinsalang dulot ng COVID-19, kailangang tutukan natin ang pag-angat ng kalidad ng pagsasanay ng mga kabataang mag-aaral upang maihanda sila kapag sumabak na sila sa trabaho at tiyaking ang kanilang kasanayan at kakayahan ay angkop sa pangangailangan ng mga industriya.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | May 13, 2021



Mahigit isang taon na mula noong tumama ang pandemya sa atin, ngunit patuloy pa rin ang mga isyung ating kinahaharap sa contact tracing. Pero sa muling pagbubukas ng mga paaralan, paano natin matitiyak ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral kung hindi sapat ang ating sistema para matukoy kung sino ang mga nanganganib na magkasakit?


Dahil dito ay nais nating magbabala na hindi magiging ligtas ang pagbubukas ng mga paaralan para sa limited face-to-face classes kung magpapatuloy ang mga isyu sa contact tracing sa bansa.

Sa ilalim ng rekomendasyon ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), dapat may aktibong sistema para sa surveillance o contact tracing sa mga local government units o LGUs. Dapat ding limitahan ang mga face-to-face classes sa mga lugar na mas mababa sa limang porsiyento ang positivity rates at wala pang 10 kaso ng COVID-19 kada 100,000 katao sa nakaraang pitong araw.


Bagama’t inanunsiyo ng Malacañang na handa na ang rollout ng StaySafe.ph, ibinahagi naman ni contact tracing czar Benjamin Magalong na ang opisyal na contact tracing application ng pamahalaan ay tinanggihan ng Department of Health (DOH) at pinag-aaralan pa ng Department of Interior and Local Government (DILG). Ayon pa kay Magalong, ang contact tracing ang maituturing na “weakest link” sa pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic.


Sa Adopted Resolution No. 92 na ating isinulong at inaprubahan ng Senado noong Marso, inirekomenda ng ating mga kapwa senador na magkaroon ng awtoridad ang mga Provincial, Municipal at City School Board na magsagawa ng limited face-to-face classes at magpatupad ng mga selective at localized lockdowns.


Iniulat naman ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na may halos 2,000 sa 47,000 paaralan ang inaasahang makikilahok sa unti-unting pagpapatupad ng limited face-to-face classes. Inaasahan na rin ang pakikilahok ng mga paaralan sa Davao region dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa naturang rehiyon, lalo na sa lungsod ng Davao.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, muling hinihimok ng inyong lingkod ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gumamit ng unified contact tracing system upang matukoy kung sino ang mga may kailangan ng atensiyong medikal at makausad na tayo sa ating mga plano at paghahanda para sa pagbabalik ng face-to-face classes.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page