Trainer at Hinete Pokus sa ensayo
- BULGAR
- Jun 25, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | June 25, 2023
Nakapokus sa ensayo ang mga trainer at hinete para ihanda ang kanilang pambatong kabayo na isasabak sa 2023 PHILRACOM 3rd Leg Triple Crown Stakes Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas sa Hulyo 16.
Wala pang mga nagsaad ng paglahok dahil hindi pa naglalabas ng opisyal na line up subalit paniguradong masisilayan muli sa pista ang mahigpit na magkaribal na sina La Trouppei at Jaguar sa event na mas pinahaba ang distansya sa 2,000 meter race.
Nagwagi sa first leg si La Trouppei habang si Jaguar ang sumikwat ng korona sa second leg kaya walang makakawalis ng Triple Crown series ngayong taon.
May nakalaan na P3.5M guaranteed prize na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta pero kung hindi aabot ng pitong kabayo ang sasali ay hanggang 4th place lamang hahatiin ang premyo.
Magbubulsa rin ng premyo ang breeder ng winning horse sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) na pinamumunuan ni chairman Reli De Leon.
Dahil sa laki ng premyo ay inaasahang puspusan ang pag-ensayo ng mga sasali upang masilo ang inaasam na panalo at mahalagang nakataya.
Samantala, pakakawalan din sa susunod na buwan ang 3-Year-Old Locally Bred Stakes Race at Hopeful Stakes Race na pareho rin ng distansya sa Triple Crown.
Kaya inaasahan din na magsasaya ng todo ang mga karerista sa araw mismo ng karera dahil sa mga stakes races na ilalarga ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI).





Comments