Trahedya sa airstrike... Bahay tinamaan, 19 patay
- BULGAR

- 9 hours ago
- 2 min read
ni Jenny Rose Albason @World News | May 22, 2026

Nasawi ang 19 katao sa panibagong inilunsad na airstrikes ng Israel sa Lebanon.
Batay sa ulat ng Ministry of Public Health, sampu sa mga nasawi, kabilang ang tatlong bata at tatlong kababaihan, ang namatay matapos tamaan ng pag-atake ang isang bahay sa bayan ng Deir Qanoun.
Nairekord ang panibagong mga pagkasawi wala pang isang linggo matapos ianunsiyo ng Amerika na nagkasundo ang Lebanon at Israel na palawigin pa ng 45 araw ang ceasefire habang nakatakdang ipagpatuloy ng magkabilang panig ang usapan pagsapit
ng Hunyo.
Sa kabila ng pagpapalawig ng ceasefire, nagpapatuloy pa rin ang palitan ng pag-atake sa pagitan ng Israel at Hezbollah, partikular sa southern Lebanon.
Sa inilabas na pahayag ng health ministry ng Lebanon, sinabi nitong bukod sa mga nasawi sa Deir Qanoun ay mayroon ding tatlong katao ang nasugatan, kabilang ang isang batang babae.
Samantala, siyam pang katao ang napatay habang 29 ang nasugatan sa air strikes ng Israel sa mga distrito ng Nabatieh at Tyre.
Batay sa pinakahuling ulat ng health ministry noong Lunes, umabot na sa mahigit 3,000 katao ang nasawi sa Lebanon dahil sa mga strike ng Israel sa gitna ng labanan laban sa Hezbollah simula noong Marso.
Patay na raw si King Charles
RADIO STATION, NAG-SORRY SA PEKENG BALITA
HUMINGI ng paumanhin ang isang dating British pirate radio station sa mamamayan ng United Kingdom at sa hari matapos nitong aksidenteng maipahayag ang maling balita tungkol sa umano’y pagpanaw ni King Charles III.
Ayon sa pahayag ng istasyon, ang insidente ay dulot ng computer error sa pangunahing studio nito sa Maldon, Essex, na nagresulta sa maling pag-activate ng tinatawag na “death of a monarch procedure,” isang protocol na naka-standby sa ilang broadcast stations sa United Kingdom para sa mga emergency announcements.
Agad na naitama ang pagkakamali matapos itong mapansin ng mga tauhan, at naglabas ang istasyon ng on-air apology. Nilinaw ng management na isa lamang itong teknikal na aberya at walang katotohanan ang naunang ulat.
Humingi rin ng paumanhin ang station manager sa hari at sa mga tagapakinig, at inaming nakalulungkot ang naging epekto ng insidente.
Ang naturang radyo, na itinatag noong 1964 bilang pirate radio station na lumaban noon sa monopolyo ng BBC, ay dati ring nag-ooperate mula sa mga barko sa dagat bago tuluyang nagbago ang operasyon nito sa mga sumunod na dekada.
Sa oras ng insidente, nasa Northern Ireland si King Charles III kasama si Queen Camilla para sa isang royal engagement, at wala namang kumpirmadong kaganapan na may kaugnayan sa maling ulat.
Patuloy na ipinapaliwanag ng istasyon na ito ay isang isolated technical error at humihingi sila ng pang-unawa mula sa publiko.





Comments