Tradisyon tuwing Pasko, pass muna dahil sa pandemya

ni Ryan Sison - @Boses | November 6, 2020
Hindi nawawala sa tradisyon nating mga Pinoy ang pangangaroling tuwing panahon ng Kapaskuhan.
Pagpasok pa lang ng ber months, kaliwa’t kanan na ang mga nangangaroling mula sa mga bahay-bahay hanggang sa kalye. Kani-kanyang diskarte at todo-bigay ang mga nangangaroling para makalikom ng malaking aguinaldo.
Pero ang tanong, mayroon kayang ganitong eksena o pakulo, gayung nahaharap tayo sa pandemya?
Kaugnay nito, hinihikayat ng isang mambabatas ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ipag-utos na bawal muna ang pangangaroling.
Paliwanag ng mambabatas, karamihan sa carolers ay galing sa ibang lugar, kaya nakakatakot umano dahil puwedeng maging sanhi ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Gayunman, suportado ni IATF Chief implementer at Vaccine czar Sec. Carlito Galvez ang mungkahing ito, pero puwede na umanong mag-isyu ng kautusan ang naturang mambabatas tungkol sa kautusang ito.
Aniya, ito ay dahil alam ng lokal na pamahalaan kung paano poprotektahan ang kanilang nasasakupan, gayundin, sila ang may alam ng makabubuti para rito.
Gayunman, mayroon pa ring madiskarte at kahit may pandemya, ayaw paawat ng ilan dahil may mga naghahanda na para sa mag-“online carolling”.
Siguro nga, tanggapin na natin na ibang-iba ang taon na ito, kumbaga, mas maraming sakripisyo kesa panahon para magsaya. Kung para naman ito sa ikabubuti ng lahat, bakit hindi?
Pakiusap sa LGUs, pag-aralan na hangga’t maaga para maipaalam din sa taumbayan.
At tayo namang publiko, makinig at sumunod sa anumang ipag-uutos ng lokal na pamahalaan. Kaya ‘pag sinabing bawal, bawal.
Bagama’t tradisyon na ito sa ating bansa, tiis-tiis muna para sa kaligtasan ng nakararami.
Magiging kakaiba man ang ating Pasko ngayong taon, ang mahalaga ay makaiwas tayo sa anumang sakit, at ito ang pinakamagandang bagay na puwede nating matanggap.
‘Ika nga, ‘di naman mahalaga ang aguinaldo dahil ang importante ay madama natin ang tunay na diwa ng Pasko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments