top of page

Tonton, nakalusot, ‘di nakapalag… RODERICK, TODO-TANGGI SA MOVIE ‘PAG MAY KISSING SCENE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 6
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | August 6, 2025



Photo: Roderick Paulate via Bulgar

  

Halos lahat ng pelikula ni Roderick Paulate ay gay ang role niya at karamihan sa mga ito ay may love interest siya. Pero sa kabila nito ay hindi pala niya type ang may kissing scene.


Ito ang sagot niya sa mga tanong kung hanggang saan ang ibinigay niya sa latest movie niyang Mudrasta: Ang Beking Ina! (MABI) na idinirek ni Julius Ruslin Alfonso mula sa script ni Joni Mones Fontanos, handog ng CreaZion Studios, “Kasi gusto ko ring mapanood ito ng mga bata, fun-fun lang. Kasama rin kasi sila sa target market ko, plus ‘yung image rin, kailangan ding alagaan.”


Maraming projects na ang tinatanggihan ng aktor kapag may mga kissing scenes at bed scenes bukod pa sa ibang pinagagawa sa kanya na hindi raw niya kayang gawin.

Pero sa episode ng Maalaala Mo Kaya (MMK) nu'ng taong 1999 na may titulong Wristwatch kasama si Tonton Gutierrez ay nagulat siya dahil hindi niya alam na hahalikan siya nito dahil isinikreto iyon ng namayapang Direk Wenn Deramas.


“Si Ton, ang sarap n’yang kasama kasi wala siyang kaarte-arte talaga. Kung ano ‘yung nararapat at kulang sa eksena, daragdagan niya. ‘Yung eksena sa Wristwatch, nagkahiwalay na kami kasi nahuli na s’ya ni Eula Valdez, so, kailangan na naming maghiwalay.


“Magkaibigan ang pamilya namin at naging tradisyon na sa nanay niya na kapag birthday ko, pumupunta sila, nandoon din ang mga friends ko. So, si Ranay (Andoy) ‘yung isang artista, ibinigay sa akin ‘yung cake tapos may kumatok, pagbukas ko ng pinto, si Tonton ‘yun.

“Ang blocking nu’n, makikita ko s’ya, tapos maiiyak ako, gusto ni Direk (Wenn) ay masikip lang sa dibdib (humihikbi), so, ‘yun lang ang ni-rehearse namin. So, dumating si Tonton, bumati ng, ‘Happy birthday,’ next blocking, nakatingin lang ako sa kanya, tapos paglingon ko, bigla akong hinalikan (smack), nagulat ako at ‘yun pala ang gustung-gustong mahuli ni Direk Wenn. Tapos, kino-close-up niya. Kasi ‘yung mukha ko talaga, naka-ganu’n (tulala) at wala sa script ‘yun.


“So, malaking tulong ‘yun kasi ‘yun ang nagpanalo sa akin sa Best Actor in a Leading Role sa Asian Television Awards (2000) ng MMK kaya nagpasalamat ako. Si Tonton ang nagpu-push ng mga eksena, matapang, eh. Ako pa ‘yung (umaayaw). That’s why hindi ko s’ya makalimutan,” balik-tanaw ni Kuya Dick sa tambalan nila ni Tonton.


Sabi naman ni Tonton ay kinausap siya nang pasikreto ni Direk Wenn na hahalikan nga niya si Roderick at hindi niya dapat ipaalam dahil siguradong hindi ito papayag.

“Kaya nu’ng sinabi ni Direk Wenn na hahalikan ko sa lips, sabi ko agad, ‘Oo, sige,’” saad ng aktor.


Sa Mudrasta ay sila ulit ang magkasama at pinili niya talaga ang aktor dahil bukod sa kaibigan niya ay malaki ang tiwala niya rito.


Gagampanan ni Kuya Dick ang karakter na Victor “Beki” Labrador na muling nagkaroon ng koneksiyon sa isang dating minamahal na si Enrique Santillanes (Tonton), pero laking-gulat niya nang malaman na pumanaw na pala ito.


Iniwanan siya ng kalahati ng ari-arian at parte sa negosyo ng pamilya sa isang kondisyon - kailangang tumira si Victor sa mansiyon ng pamilya Santillanes, kasama ang dalawang anak ni Enrique (Elmo at Arkin Magalona) at ang malditang lola ng mga ito na si Celia Rodriguez.


Sisimulan ni Victor ang isang masaya at madamdaming kuwento ng pagtanggap, pagpapatawad at pagbubuo ng isang bagong pamilya.


Sabi nga, kung na-miss mong tumawa nang malakas ay perfect ang Mudrasta ni Roderick dahil sa ilang linggong nakaraan ay pawang horror, romantic-comedy, action-drama, family-drama, at anime ang mga ipinalabas sa mga sinehan.


Bukod kina Roderick at Tonton ay kasama rin sina Celia Rodriguez, magkapatid na Elmo at Arkin Magalona, Awra Briguela, Carmi Martin, Ruby Ruiz, at Odette Khan.


Mapapanood ang Mudrasta simula sa August 20 nationwide at para sa karagdagang updates, i-follow ang CreaZion Studios sa Facebook (FB), X (dating Twitter), Instagram (IG), at TikTok (TT), o bisitahin ang creazionstudios website.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page