top of page
WINNER - BEAUTY QUEEN GF NI SANTINO, NAPAGKAMALANG TRANSGENDER-IG _ashleysubijano.jpg

Usung-uso sa mga iskul… ALFRED, GUSTONG MAS BIGATAN ANG PARUSA SA BULLYING SA MGA PWDS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 19
  • 3 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | March 18, 2026



Alfred Vargas

Photo: Alfred Vargas - FB



Naalarma na si Alfred Vargas sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng bullying sa mga pampubliko at pribadong paaralan kaya naman nagsagawa na siya ng aksiyon tungkol dito.


Nanawagan ang aktor at Quezon City (QC) councilor para sa isang komprehensibong pagsusuri at pag-amyenda sa Anti-Bullying Ordinance ng lungsod.


Ang hakbang na ito ay kasunod ng pakikipag-ugnayan ni Vargas sa Quezon City Persons with Disability Affairs Office (PDAO) upang imbestigahan ang mga ulat ng bullying at pisikal na pang-aabuso laban sa mga estudyanteng PWD (person with disability).


Sa isang privilege speech, ipinahayag ni Alfred ang kanyang pighati at galit dahil sa naiulat na trahedyang kinasangkutan ng isang 15-anyos na estudyanteng may seizure disorder na diumano’y nagpakamatay matapos dumanas ng bullying at pisikal na pang-aabuso mula sa kanyang mga kapwa mag-aaral. 


Ang biktima ay naiulat na sinaktan sa loob ng palikuran ng paaralan habang ang ibang mga estudyante ay naghihiyawan, isang insidenteng nahuli sa CCTV.


“Layunin po nating marinig ang lahat ng stakeholders, mapanagot ang sinumang dapat mapanagot na may sala o may pagpapabaya na dahilan ng malungkot na pangyayaring ito. All sides should be heard. Only the truth shall be pursued,” saad niya.


Bumoto na ang Sangguniang Panlungsod upang imbestigahan ang nasabing insidente.

Idiniin din ni Alfred na dapat muling suriin ang mga kasalukuyang sistema upang matiyak na ang lahat ng paaralan ay ligtas na lugar at hindi pugad ng karahasan.

Sinabi niya na ang bullying ay nangyayari sa kapwa pampubliko at pribadong institusyon at dapat makialam ang lokal na pamahalaan upang pigilan ang mga insidenteng tulad nito.


“‘Di po puwedeng idahilan ang pagkakaroon ng ‘batang isip’. This is a matter of life and death. Kaya naman, nananawagan po ako sa ating lahat,” aniya.


Partikular na nababahala si Vargas sa kalagayan ng PWD community sa loob ng sistema ng edukasyon. Sa tulong ng PDAO, layunin ng konsehal na lumikha ng mga espesyal na reporting channels at mas mabigat na parusa para sa mga nambibiktima ng mga estudyanteng may special needs.


Hinamon din niya ang mga administrators ng paaralan at mga magulang na maging mas maagap sa halip na kumilos lamang kapag may nangyari nang trahedya.

Tinapos ni Alfred ang kanyang pahayag sa pamamagitan ng panawagan sa publiko na basagin ang kultura ng pananahimik sa usapin ng bullying.


“Nananawagan po ako sa ating lahat na maging mas mapagmalasakit sa ating kapwa. Spread kindness. At s’yempre, maging mapagmatyag at maagap sa pag-report sa mga insidente ng pang-aabuso at pambu-bully. Wala pong pamilya ang dapat makaranas ng ganitong pighati dahil sa bullying,” pahayag ni Alfred Vargas.



NAGMUKHANG mini-concert ang pagsisimula ng mediacon ng upcoming Born to Shine (BTS) dahil nagpakabugan sa pagpe-perform ang main cast sa pangunguna ng mga bidang sina Zephanie at Michael Sager.


Pero ang talagang napa-throwback kami ay nang mag-perform na sina Tina Paner, Manilyn Reynes, Roselle Nava at Vina Morales, ang mga original OPM queens noong dekada ‘80-‘90.


Inawit ni Tina ang biggest hit niya noong 1989 na Tamis ng Unang Halik, habang si Mane naman ay kinanta ang original song niyang Sayang na Sayang na sumikat noong 1988.


Ang original Hugot Queen na si Roselle ay inawit naman ang classic hit din niya noong 1994 na Bakit Nga Ba Mahal Kita?, at si Vina naman, ang hit song niya noong 1990 na Alam Mo Ba ang binanatan.


May kani-kanya ring performance ang iba pang cast na sina Olive May, Naya Ambi, Gaea Mischa, Mitzi Josh, Chloe Redondo, Angelika Santiago, Aaliyah de Gracia, at Miggs Cuaderno.


Ang Born to Shine ay isang magaan at nakaka-inspire na kuwento na iikot sa pag-abot ng mga pangarap sa kabila ng paglipas ng panahon, mga pagdududa, at iba pang hamon sa buhay. Ito ay tungkol sa passion, destiny, musika, at pag-ibig na magpapaalala sa mga manonood na lahat ay ipinanganak para magningning.

Mula ito sa direksiyon ni Rod Marmol.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page