TONI, UMAMIN KUNG BAKIT MAS CLOSE KINA JOEY AT VIC KESA KAY TITO SEN
- BULGAR
- Dec 13, 2022
- 2 min read
ni Janiz Navida - @Showbiz Special | December 13, 2022

Ang lakas ng tawa ni Toni Gonzaga at maging ng mga press people nang sabihin ng veteran comedian-TV host na si Joey de Leon ang "Si Alex Gonzaga" nang matanong namin sa grand media presscon kahapon ng My Teacher na ginanap sa Winford Hotel kung naka-encounter na ba siya ng artistang may attitude sa tagal niya sa showbiz.
Of course, alam ng lahat ang mainit na mainit na isyung kinasasangkutan ngayon ng younger sister ni Toni Gonzaga matapos ngang maungkat ang pagtataray diumano kay Alex ng veteran actress na si Dina Bonnevie dahil sa pagiging late umano sa taping ng aktres-turned vlogger.
Kung matatandaan, naisulat na namin dito na umani nang sangkatutak na negatibong puna at komento si Alex at inakusahang "may attitude" talaga dahil bukod sa sinasabi ngang pagka-late niya sa taping na ikinaimbiyerna diumano ni Ms. D, nasundan pa ito ng pagtawag ng aktres na "matandang artista" kay Dina, bagama't blind item ang dating nito.
Pero 'yun nga, natawa na lang si Toni sa punchline ni Tito Joey sa presscon ng My Teacher dahil alam naman niyang nagbibiro lang ito.
Sinagot na rin ni Toni ang isyung ito about Alex nang matanong kahapon sa presscon at aniya, kilala niya ang kapatid at alam niya ang totoong nangyari kaya siyempre, mas ito ang paniniwalaan niya.
But seriously speaking, ani Tito Joey, wala pa naman siyang nae-encounter na artistang nag-attitude at kung meron man daw, wala siyang kinompronta, instead, pinasasabihan nila sa mga bossing nila kung may kailangang punahin sa mga nakakatrabaho nila.
Pinuri naman ni Tito Joey si Toni na may "hidden appeal" daw kaya kahit anong pamba-bash sa TV host-actress ay sikat pa rin ito at tumatagal sa industriya.
Samantala, tinanong namin si Toni kung bakit mas paborito niya si Tito Joey kesa kina Bossing Vic Sotto at Sen. Tito Sotto na main hosts ng Eat… Bulaga!.
Sagot niya, mas nakakasama lang kasi niya si Tito Joey at si Bossing sa EB! noon kaya mas malapit siya sa mga ito kumpara kay Sen. Tito na mas madalas na sa Senado dahil sa pagiging senador nito.
Ramdam na ramdam din namin kay Toni ang malaking respeto niya kay Tito Joey na sabi nga niya, kung hindi nila ito nakuhang magbida sa My Teacher, baka hindi nag-push through ang pagpo-produce nila ni Direk Paul Soriano ng naturang MMFF entry.
Yes, bukod sa pagiging bida ni Toni sa My Teacher, producer din siya nito via her production outfit na TinCan Productions at ka-collab niya ang asawang si Direk Paul Soriano na may Ten17P naman at siya ring direktor ng pelikula na kasali sa MMFF 2022.
Samantala, kasama rin sa My Teacher na palabas sa Dec. 25 ang love team nina Ronnie Alonte at Loisa Andalio, Pauline Mendoza, Ms. Carmi Martin at marami pang iba.





Comments