top of page

Tondo, sa mga mata ng mapanghusga

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 23, 2024
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Sep. 23, 2024



Fr. Robert Reyes

Isang linggo ng paggunita, pamamahayag, at pagtataya. Nagsimula ang kakaibang linggong ito sa Tondo, Maynila. 


Naimbitahan tayo magmisa sa mahigit 700 mag-aaral sa Don Bosco Technical School sa Tondo. Medyo napaaga ako ng dating dahil sa pag-aalala na baka mahuli sa usapan, kaya minarapat kong umalis ng maaga. Wala pang ika-6 ng umaga, nasa harapan na ko ng nakasarang gate ng paaralan ng mga Salesian. Umaambon pa noon at iniisip ko kung ano ang maaaring gawin.


Naglakad ako pakaliwa at sa unang kanto ay kumanan sa kalye Herbosa. Naghanap tayo ng karinderya na may lamesa at upuan pero wala. Buti may 7-Eleven at pumasok ako. May munting mesa at silya na ginagamit na ng dalawang babaeng nakasiksik sa maliit na bangko. 


Lumabas tayo at muling naglakad. Naalala ko ang nabasa kong nobela ni Andres Cristobal Cruz, ang “Sa Tondo May Langit Din.” Ito ang isang bahagi ng Tondo, ngunit langit nga ba ito? 


Habang binabalikan ko ang nobelang may malalim na pagtingin sa Tondo, bumalik din ang napakaraming alaala ng Tondo ng sariling buhay ko. 


Dito, sa ospital ng Mary Johnston Hospital ako ipinanganak. May dugong Tondo ako at maari nating ipagmalaki na batang Tondo rin ako. 


Ito ang Tondo ni Andres Bonifacio na nagtinda ng pamaypay habang binabasa niya ang nobelang “Les Miserables” ni Victor Hugo. Hindi kalayuan ay ang Gagalangin, kung saan ako nag-aral ng elementarya sa Immaculate Conception Academy. At ‘di rin kalayuan, sa simbahan ng Espiritu Santo, sa Tayuman, madalas akong dalhing magsimba ng aking mga magulang noong nakatira pa kami sa Dimasalang. Sa Avenida naman, wala pang LRT noon, madalas akong isama ng aking Tiyang Lil sa mga tiyahin at tiyuhin ko sa kalye Misericordia.


Ang karaniwang usap-usapan tungkol sa Tondo ay hindi masyadong maganda. Tila kabaliktaran ng nobela ni Cristobal Cruz. Ngunit, kung babasahin mo ang nobela, sa gitna ng lusak at panganib, merong wagas na pag-ibig, wagas na pagkatao na matatagpuan ninuman kung gagamitin mo hindi ang mapaghusgang mata kundi ang mapagmahal na puso.


At dumating ako sa harapan ng Cora’s Tapsilog at walang tao. Pumasok ako at umorder ng makakain. Hindi pa ako nagtatagal kumain nang dumating ang gusgusing bata at sinabing, “Penge po ng pambili ng pagkain para sa aking kapatid.” Ibinili ko ng makakain ang bata at pinaupo ito sa aking harap. Dumating ang pagkain ng bata at kumain agad ito. Tinanong ko ang kanyang pangalan, sinagot naman ng, “Ramel Agustin po.” Paki-spell nga ang iyong pangalan. “Hindi ko po alam mag-spell.” Ano ang natapos mo? “Grade 3 po.”  Nasa 11 taong gulang na si Ramel. Tinanong ko siya muli kung bakit tumigil na siyang mag-aral. Sagot nito, “Wala po akong pang-assignment.” Ano ang trabaho ng iyong tatay? “Wala po.” Ng iyong nanay? “Labandera po.” 


Nang mangangalahati na ang pagkain sa kanyang pinggan, tumigil na si Ramel at ipinabalot ang natirang kalahating kanin at ulam. Naalala ko ang sinabi ni Ramel sa akin na pahingi ng pambili ng pagkain para sa aking kapatid. Tama nga si Cristobal, na sa Tondo, may langit din!


Nakilala ko naman ang masayahing kahera na si Jen na nagsabi pag-alis ni Ramel, “Maraming ganyan dito. Karamihan bata at meron ding matanda.” Hindi pa natatapos ang sinasabi ni Jen nang dumating ang isang matandang pulubi na itinuro ang aking kape. Sabi nito, “Pengeng kape!” Ibinigay ko ang natitirang kape ko at kaagad nitong ininom. Nagsalita muli ang pulubi, “Pengeng pambili ng itlog.” 


Tinanong ko si Jen kung puwede siyang magluto ng itlog. Sinagot ako ng, “Hindi po puwede dahil nakaimbentaryo ang lahat. May itlog po riyan sa kabila. Sampung piso lang po.” Dumukot ako ng 20 pesos sa aking wallet. Ibinigay ko sa babaeng hindi gusgusin ngunit parang may konting kulang. Bago ito umalis, tinanong ko ang kanyang pangalan. “Eng Eng po!” ang sagot niya. Umalis si Eng Eng at hindi na bumalik. “Bibili po ng sigarilyo iyan,” paliwanag ni Jen. Totoo, sa Tondo may langit din.


Nagmisa na ako para sa 700 mag-aaral. Nagkuwento ako tungkol sa Martial Law noong panahon ko. Pagkaraan ng misa may lumapit sa akin at ibinulong, “Padre, dito po sa Tondo, karamihan ay mahal pa rin ang mga Marcos.” Ah, talaga. “Opo, mahal nila ang tatay at mahal din nila ang anak.”


Noong nakaraang Biyernes ng ika-6 ng gabi, nagmisa naman ako sa Ateneo School of Law sa Makati. Nagkuwento rin ako tungkol sa Martial Law sa mga nag-aaral ng abogasya.


Kahapon, sa harapan ng Comelec, inalala ang madilim na yugto sa ating kasaysayan mula ika-21 ng Setyembre 1972 hanggang ika-22 ng Pebrero 1986. Parang kahapon lang at parang wala ring nagbago sa kahapon. Ngunit, hindi nawawalan ng pag-asa ang nagtipun-tipon sa harapan ng Comelec, Intramuros na lumalaban pa rin. At ngayon, lalaban sa dinastiya, dayaan. Aanhin mo ang gunita kung walang pagtataya! Buhay pa rin ang diwang mulat at nagtataya. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page