Todo-tiis para sa Hollywood dream… LIZA AT JAMES, NAGRE-RENT LANG NG BAHAY SA TATE
- BULGAR
- Apr 20, 2023
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | April 20, 2023

Hindi na pala magkasama sa iisang bahay sina James Reid at Liza Soberano sa California, USA dahil ayon sa source ng Showbiz Now Na vlog nina Nanay Cristy Fermin, Wendell Alvarez at Romel Chika na in-upload sa YouTube channel ay nangungupahan na lang ang aktres.
Sabi ni Romel Chika, “Si Liza, naninirahan na lang sa isang room for rent.”
Dagdag pa ni ‘Nay Cristy, “Ito po ay nanggaling sa mga kababayan natin sa Amerika, lalo na sa LA (Los Angeles), kasi po, kilala ng mga Pilipino si Liza Soberano dahil sumikat naman talaga siya sa pangangalaga ng ABS-CBN at ni Ogie Diaz.
“Ipinarating po sa amin ang kuwento na naninirahan po sa isang room for rent itong si Liza sa Korea town. May China town po kasi sa Amerika, merong ganu’n at may Korea town.
“Hindi naman po krimen, kung tayo po ay umupa ng isang room para sa ating pananatili sa ibang bansa. Kaya lang po, tulad ng sinabi natin noong una sa pamamagitan ng blind item, ‘yung pagkukumpara, nakakapanghinayang talaga.”
“Oo, ‘yung magandang buhay dito, tinalikuran niya para pumunta sa US at makipagsapalaran doon,” sabi naman ni Romel Chika.
Hirit ni Wendell, “‘Di ba, may bahay sila roon sa Amerika?”
“‘Yung lola at lolo niya ay ibinili niya ng bahay mula sa kanyang kinita rito. Siguro, gusto rin niya ng privacy, ‘yung siya lang ang naroon at hindi kasama ang kanyang pamilya.
“Ang mommy niya at mga kapatid (half-siblings) ay nandoon, tapos sila ng tatay niya ay narito. Talaga lang pong mamumunga ng panghihinayang ‘yung dito, napakalaki ng ipinagawa mong bahay, lahat ng gusto mo, nasusunod dito. Tapos, sa pangangarap mong maging artista ng Hollywood, ito ka ngayon, nakatira ka sa isang room for rent,” kuwento ni ‘Nay Cristy.
At dito nabanggit na pati si James ay sa room for rent na rin nakatira sa Amerika. Ibig sabihin ay wala na ‘yung malaking bahay o crib na ipinakita sa Careless Music YouTube channel na may title na A Tour Inside the First Careless Home in Los Angeles, California | Careless Cribs EP 01 tatlong buwan na ang nakararaan.
Sabi ng batikang manunulat at host, “Eh, kahit naman pala si James Reid ay sa room for rent na lang naninirahan.”
Hirit ni Romel Chika, “Alam mo, itong dalawang ‘to, gusto talaga nilang maranasan ang proseso na magsimula sa (mababa).”
“Tama, may ganu’n naman talaga. Kumbaga, they will take it the hard way. Totoo naman iyon, napakasarap magsimula sa zero,” sey naman ni ‘Nay Cristy.
Opinyon naman ni Wendell na kahit gaano karami ang ipon mo, pero kung sa ibang bansa ka naninirahan ay mas mahirap sapagkat mas malaki ang mga gastusin doon kumpara rito sa ‘Pinas at wala ring income na pumapasok sa kanila, kaya nga mas pinili na lang nilang manirahan sa room for rent para na rin makatipid.
Nabanggit pa na habang naghihintay ng break sa Hollywood ay dapat mamasukan muna ng kahit na anong trabaho at huwag nang mamili para kahit paano ay may panggastos o pambayad ng renta.
Ang paliwanag ni Nanay Cristy, “Sa Amerika kasi, may dignity of labor, hindi ka sinusukat ayon sa trabaho mo. Magaganda pa nga ang ginagawa ng mga Pinoy, mauutak ang mga ito.
Daig pa nila ang mga sumusuweldo nang buwan-buwan at mga nagtatrabaho sa opisina.
“Alam mo, ang mga Pinoy sa Amerika ay parang kangkong talaga, kahit saan mo itapon, mabubuhay at tutubo. Iba ang mga Filipino.
“At sa estado ngayon ni Liza na nangungupahan sa isang kuwarto, wala namang masama rito at nagkataon lang na naging isyu ito dahil naikumpara nga ang magandang buhay ng dalaga nu’ng nasa Pilipinas pa ito, kumpara sa kasalukuyan niyang buhay sa Amerika.
“Pero, ‘pag nagtagumpay siya sa Broadway, sa Hollywood, ano ang sasabihin niya, ‘I took it the hard way. It was not an easy journey,’” sambit ni ‘Nay Cristy.





Comments