top of page

Todo-sorry, napaiyak na lang… ARA NA-LATE, OSANG NAG-WALKOUT

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 24, 2023
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | July 24, 2023



Sa dami ng pinagdaanan ni Ara Mina sa kanyang buhay at sa dami ng isyung nalampasan niya ay nananatili siyang nakatayo, may career at nakakapag-share pa ng mga blessings sa ibang tao.


Kaya ang tanong ni Snooky Serna kay Ara nang makapanayam niya ito para sa kanyang vlog na kaka-upload lang sa YouTube channel nitong Linggo nang gabi ay kung saan kumukuha ng lakas ang Magandang ARAw host.


“Iniisip ko, hindi ko nga rin po (alam). Kasi sabi nga nu’ng iba, ‘Grabe ka! Paano mo nagagawa ‘yan?’


“Sabi ko, I think ‘pag positive ang outlook mo sa life, mas hindi ka masyado tatablan ng mga negative at ‘pag kilala mo ang sarili mo at alam mo ang pagkatao mo, na hindi ka ganu’n, very confident ka.


“Ayaw kong magtanim ng sama ng loob, kasi ‘pag nagtanim ka ng sama ng loob, you cannot move forward totally.


“Grabe ‘yung mga iyak ko kapag may nagsasabi sa akin nang hindi maganda. Sabi ko, ‘Lord, Kayo lang ang may alam nito, kilala N’yo ako, alam N’yo po ang pagkatao ko, alam n’yo ‘yung nasa puso ko, whatever it is, Kayo na po ang bahala sa akin and I will stay quiet.’ Kasi ‘yung pag-stay quiet is like obeying God.


“Siyempre, sasabihin natin, ‘yung mga bashers natin, inggit sa atin, but honestly, bakit sila namba-bash o may sinasabi towards you? Meron silang nakikita sa ‘yo na gusto nila, sa kanila rin at ibig sabihin, may kulang sa buhay nila kasi ‘pag walang kulang sa buhay mo, walang bitterness, hindi ka maninira ng tao, wala kang sasabihing hindi maganda. Kaya hindi pa man nila sinisimulan (paninira), pino-forgive ko na sila, kasi si Lord naman ang magdya-judge.


“And lalo na ‘pag may anak ka (emosyonal), you choose to, na hindi maano (masasaktan) ‘yung anak mo. ‘Yung mga negative, ikaw na ang sumalo, ‘wag ka nang lumaban, basta protektahan mo ang anak mo. Iba na kasi kapag may anak ka na. Kung dati, palaban ka, ngayon, iisipin mo ang bawat galaw mo, iisipin mo ang asawa mo at anak mo, kaya ano, I’m stoppable,” natatawang naiiyak na sabi ni Ara.


Ikinuwento rin ni Ara na kahit naghiwalay sila ng tatay ng kanyang anak na si Mandy na si Bulakan, Bulacan Mayor Patrick Meneses ay in good terms pa rin sila at nahihiram nito ang bata.


Ngayong may asawa na ang TV host-actress, si Dave Almarinez, ay maganda pa rin ang kanilang relasyon ni Patrick. In fact, nagdi-dinner din sila at dumalo pa nga raw ito noong ikasal siya sa mister niya at ninang din siya sa anak ng ex-boyfriend.


Sabi naman ni Snooky na isa si Ara sa mga well-loved artists sa industriya dahil walang maririnig na artistang magsasabi nang masama tungkol sa kanya, “Mahal ka ng industriya.”


Samantala, may “Pick a Name” segment sa vlog ni Snooky at kung sinumang pangalan ng artista na mabunot ni Ara ay magbibigay siya ng tribute o alaalang pinagsamahan nila.


Unang nabunot ni Ara ay ang pangalan ni Rosanna Roces na naka-work na pala niya noon pa.


“Ate Osang, Rosanna Roces, supporting role ako sa kanyang Curacha (Babaeng Walang Pahinga) noong 1998. And one time kasi, grabe ‘yung ibinibigay na project sa akin ni Mother Lily (Monteverde) noon, na-late ako, pagdating ko, nag-walkout siya!


“Umiiyak ako, nag-sorry naman ako, pero now, we’re good friends. Napakasayang kasama ni Ate Osang, ang sarap niyang magluto, nagkasama kami sa FPJ’s Ang Probinsyano, so, doon kami nakapag-bond,” paglalarawan ni Ara.


Nabunot din ang mga pangalan nina Sharon Cuneta (na ‘Ate Ninang Idol’ niya dahil ninang nila ito sa kasal ni Dave at ninang din ng kanyang anak na si Mandy, plus idol pa niya dahil ipinaglihi siya sa nag-iisang Megastar), Deborah Sun at Cristine Reyes.


Dito kami nagulat nang mabunot ni Ara ang pangalan ni Coco Martin. Aniya, “Ito si Coco, mabait na tao, napakabait niya sa kanyang pamilya, sa lola niya. His humble beginning, eh, hindi rin biro at saka, sobrang dedicated siya sa trabaho. That’s why ang (FPJ’s) Ang Probinsyano, ganu’n ka-click at marami rin siyang gustong tulungan.


“Hindi alam ng mga tao na marami rin siyang natutulungan na hindi napa-publish o napa-publicize, so, I’m happy for him dahil open na sila ni Julia na they’re together, tama ba ako?


Baka mamaya, ako lang ang nag-announce?”


Nagkasama kasi sina Ara, Julia at Coco sa FPJ’s Ang Probinsyano at nag-lock-in shoot sila sa Ilocos Sur, kaya nakikita niya ang mga nangyayari araw-araw. Dedma naman ang reaksiyon ni Snooky, pero may mga pa-crickets sound. Hahahaha!


Sa pagkakaalam kasi namin ay hindi pa opisyal na inaamin nina Julia at Coco ang kanilang relasyon bilang mag-boyfriend at girlfriend kundi magkasama lang bilang magkatrabaho sa matagal na panahon.


Kaya nga ikinorek din ito ng direktor-aktor-prodyuser ng FPJ’s Batang Quiapo nang ma-misinterpret siya sa panayam niya nu’ng dumalo sila ni Julia sa screening para sa isang programa ng ABS-CBN kamakailan.


Ano kaya ang masasabi nina Coco at Julia sa ‘di inaasahang pambubuking ni Ara sa kanila?


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page