ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 14, 2024
Marami nga ang napabilib sa ginawang pagta-translate ni Marian Rivera sa English ng question na natoka sa isa sa mga finalists ng Century Tuna Superbods.
Tagalog ang tanong at hindi gaanong ma-gets ng candidate na si Jesther, kaya nag-request ito na isalin sa English ang tanong sa kanya.
Nag-viral sa social media ang interaction na ito ni Marian sa nasabing finalist ng Superbods at marami ang natuwa at naaliw. Isa na rito ang asawa ni Marian na si Dingdong Dantes na ipinost ang photo ni Marian at nilagyan ng caption.
Sey ni Dingdong, “Hindi lang ang iyong panlabas na kagandahan ang nagningning kagabi, kundi pati na rin ang natural mong talento sa pagpapasaya at pagpukaw sa puso ng mga Pilipino.
“Isang masigabong palakpak para sa ‘yo, Misis ko (clap hands emoji).
“P.S. ‘Di kailangang i-translate sa Ingles, gets n’yo na ‘to (wink emoji).”
Well, nagawa naman nang maayos ni Marian Rivera ang pagta-translate ng tanong in English kahit hindi komportable ang aktres, pero hindi naman ito nangangahulugan na kapos siya sa kaalaman.
Besides, hindi nasusukat ang talino ng isang tao base lang sa husay mag-English. Mas mahalaga ang pagkakaroon ng mabuting puso.
Wish na makaganti… BEA, NAMANHID ANG PISNGI SA SAMPAL NI JEAN
Sa latest guesting ni Bea Alonzo sa Fast Talk with Boy Abunda, medyo hirap pa siyang sagutin ang ilang personal na aspeto tungkol sa kanyang love life. Nasa proseso pa kasi siya ngayon ng pagmu-move on matapos ang final decision nila ni Dominic Roque na wakasan na ang kanilang relasyon.
On the lighter side ng interbyu, naikuwento ni Bea na grabe ang impact ng ginawang pagsampal sa kanya ni Jean Garcia sa kanilang eksena sa Widows’ War. Tatlong level daw ito dahil masakit at namanhid ang kanyang pisngi.
Nawindang siya nang todo-todo sa sampal ni Jean Garcia. Kaya’t wish ni Bea, next time ay siya naman ang magkaroon ng eksena na sasampalin si Jean.
Well, marami nang roles na nagampanan sa serye at pelikula si Bea. Pero, if given a chance at sakaling isapelikula ang buhay ng respetadong veteran actress at Movie Queen na si Susan Roces, ‘yun ang gusto niyang gampanan.
Sobrang iniidolo ni Bea Alonzo ang walang kupas na maybahay ni the late Fernando Poe, Jr. at karangalan niya ito kung sakaling maisakatuparan ang pelikula.
Ayaw manatiling talent ng network… JEN AT DENNIS, PRODUCER NA RIN
Magtatayo na rin pala ng sariling production sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo at ipinost ito ni Jen sa Instagram.
Wise move ito ng mag-asawa dahil it’s about time na paghandaan nila ang kanilang future at pag-venture sa pagpo-produce.
Sey ni Jennylyn, “After 20 years in the industry, Dennis and I are trying on new hats, this time as producers, as we formally put up our own production company called Brightburn Entertainment (smile and white heart emoji).”
Sapat na rin naman ang kanilang kaalaman sa takbo ng showbiz at marami naman ang handang tumulong sa kanila.
Hindi habampanahon ay mananatili sina Jennylyn at Dennis na talents ng network. Hindi lang sa pag-arte sila magaling, singer-performer din sila at puwedeng tumanggap ng mga shows abroad.
Well, maraming artista ngayon ang nagtatayo ng sariling kumpanya at naging matagumpay. Kailangan lang ng lakas ng loob at handang mag-take ng risk sa kanilang papasuking business.
Sa puntong ito, handang-handa na sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo sa kanilang bagong venture.
Comments