Todo-ingat pagkain ng hilaw na seafoods at pagligo sa lawa at dagat
- BULGAR
- Nov 8, 2021
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 8, 2021
Dahil sa pagtawid ng iba’t ibang recipe mula sa iba’t ibang lugar patungo sa ating bansa ay unti-unti na ring nagbabago at nadaragdagan ang ating kaalaman sa mga klase ng pagkain na ating tinitikman.
Tulad na lamang ng mga pagkaing ibinaon sa lupa ng mahabang panahon bago hinukay at nilagyan ng magandang presentasyon kaya hindi na mahirap kainin, kabilang na ang iba’t ibang klase ng buro na sa ilan ay nakakabaliktad ng sikmura, ngunit masarap naman sa iba.
May ilan din tayong kababayan na mahilig namang kumain ng exotic food tulad ng palaka, ahas, salagubang, dagang bukid at iba pang hindi ordinaryong pagkain na sinusubukan upang matuklasan ang kakaibang sarap nito na sa iba ay ‘kadiri’ ang dating.
Mayroon din namang ang gustong kainin ay ‘yung mga hilaw na pagkaing dagat tulad ng talaba, hipon at iba pang shellfish na karaniwan ay binubuhusan lang ng mainit na tubig o nilalagyan lang ng suka ay maari na agad kainin at napakasarap para sa ilan.
Pero narinig n’yo na ba ang flesh-eating bacteria o bakteryang kumakain ng laman na mas kilala sa tawag ng mga doktor na necrotizing fasciitis na kung hindi agad maaagapan ay maaaring ikamatay ng isang indibidwal.
Hindi ito isang pananakot bagkus ay isa itong kaalaman na dapat makarating sa marami nating kababayan upang makapaglaan ng sapat na pag-iingat para hindi na sila humantong na isang araw ay unti-unti nang kinakain ang kanilang laman ng bakterya.
Medyo nakakapangamba nga kasi ang flesh-eating bacteria na ito, lalo
na kung malalaman ninyong puwede itong makuha sa simpleng paliligo sa lawa o hindi tiyak kung malinis ang tubig lalo na sa panahon ng bakasyon at marami ang nahihilig sa swimming sa mga lalawigan.
Higit sa lahat ay maaari rin itong makuha sa pagkain ng mga hilaw na pagkaing dagat tulad ng talaba at mga kahalintulad nito na karaniwang nakasanayan na ng marami nating kababayan, partikular ang mga mangingisdang namumuhay sa tabing dagat.
Ayon sa mga eksperto, ang flesh-eating bakterya ay direktang nakasisira ng balat dahil sa lumilikha ito ng lason na sumisira ng tissues ng ating katawan na maaaring magmula sa mga kumbinasyon ng pinagsama-sama at iba’t ibang klase ng bakterya.
Kabilang na ang clostridium, staphylococcus aureus (na karaniwang dahilan ng sore throat), klebsiella, e. coli at maging ang vibrio vulnificus--na mga terminong medikal ng iba’t ibang klase ng bakterya.
Tulad na lamang nitong vibrio vulnificus na karaniwang dumarami at kumakalat sa lawa o kahit sa dagat basta’t sobra ang init ng panahon at kadalasang pumapasok ito sa katawan ng taong lumalangoy na may bukas na sugat.
Hindi naman lahat ng lawa o dagat ay mayroong vibrio vulnificus, ngunit malaki ang tsansa na mayroon nito at karaniwan ding nakukuha ang partikular na bakteryang ito sa pagkain ng hilaw na seafood.
Nakakapanghilakbot isipin na wala ka namang ibang ginawa maliban sa lumangoy o kumain ng hilaw na pagkaing dagat ay magkakaroon ka na ng flesh-eating bacteria na kung hindi agad mabibigyang lunas sa loob ng 12 hanggang 24-oras ay maaari itong maging dahilan ng kamatayan.
Hindi naman ito gaanong nakakatakot dahil hindi naman lahat ay naaapektuhan nito kahit maghapon pang magbabad sa lawa o dagat ngunit may pagkakataon na kahit saglit lang ay posible nang magkaroon ng nakamamatay na bakterya.
Nagsisimula sa ilalim ng balat ang bacterial infection at mula doon ay unti-unti nang kumakalat sa mga muscles at matatabang bahagi ng kalamnan at tinatarget ng bacteria ang mga binti, braso at loob ng tiyan ng hindi namamalayan.
Ayon sa isang Diabetologist at Infectious Disease Specialist, may pagkakataong napagkakamalang ordinaryong lagnat lang ang necrotizing fasciitis o eating-flesh bacteria, lalo na kung mayroon itong sugat na naimpeksiyon.
Halos hindi nalalayo sa maraming sakit ang nararamdaman sa bakteryang ito dahil kadalasan ay nakararanas ng lagnat, sumasakit ang ulo, nagsusuka at nananakit ang mga kalamnan, maging ang mga muscles joint ay apektado rin.
Sa mga may sugat na nagkaroon ng naturang bakterya ay madaling mapansin ang kakaibang pamamaga at pamumula ng sugat na posible ring magkaroon ng butlig-butlig sa paligid hanggang sa maging kulay ube na ito dahil unti-unti nang namamatay ang tissues sa ilalim ng balat.
Ayon naman sa payo ng Department Of Health (DOH) hindi naman dapat mabahala ang isang may eating-flesh bacteria dahil kailangan lang na maagapan ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng antibiotics at mapalakas ang resistensiya.
Makakatulong din ang agarang paghuhugas sa naapektuhang sugat sa pamamagitan ng sabon at malinis na tubig upang kahit paano ay maibsan ang pamamaga at pamumula na dulot ng duming pumasok na siyang dahilan nang paglitaw ng mga sintomas.
Higit sa lahat, kung wala pa ring pagbabago o positibong nangyayari ay huwag nang magdalawang-isip na dalhin ito sa pinakamalapit na pagamutan upang mabigyan ng mabilisang lunas dahil sa ilang oras lang ay posibleng makaranas ng septic shock, multi-organ failure at pagputol sa mga apektadong bahagi ng katawan.
Tandaan natin na dagdag kaalaman lamang ito ngunit huwag ipagwalang bahala dahil nasa 30 hanggang 40 porsiyento na nakaranas nito ay hindi nakaligtas, kaya dobleng-ingat!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments