TM-Chooks Pilipinas 3X3 magsisimula na ang 1st Leg
- BULGAR

- Oct 21, 2020
- 2 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | October 21, 2020

Magsisimula ngayong araw ang matagal na hinihintay na pagbabalik ng 3X3 Basketball sa unang yugto ng 2020 Chooks To Go Pilipinas 3X3 President’s Cup hatid ng TM sa Inspire Sports Academy ng Calamba City, Laguna pagsapit ng 1:00 ng hapon.
Susubaybayan ang lakbay ng 12 koponan patungo sa tumataginting na isang milyong piso habang tinutulungan ang pambansang koponan na maabot ang pangarap na makapasok sa 2020 Tokyo Olympics.
Tututukan ng pansin ang Family’s Brand Sardines-Zamboanga City na kinabibilangan ng mga pambansang manlalarong sina Joshua Munzon, Alvin Pasaol, Leonard Santillan at Troy Rike. Gagawin ang lahat ng nalalabing 11 koponan ang lahat para maitumba sila.
Nagpasilip ang Zamboanga City ng kanilang kahandaan na dominahin ang torneo matapos silang magwagi sa preseason tournament ng liga noong Lunes. Tinalo nila ang Master Sardines-Bacolod para sa sa kampeonato, 21-17,salamat sa pamamayani nina Munzon at Pasaol.
Nakuha ng Nueva Ecija Rice Vanguards ang ikatlong pwesto. Sa semifinals, binura ng Zamboanga City ang Rice Vanguards, 21-14, habang pinadapa ng Bacolod ang Sta. Lucia Realtors-Pasig, 21-13.
Ang iba pang mga kalahok na koponan ay ang Uling Roasters-Butuan, Bicol Paxful, Sarangani Marlins, Palayan City, Pagadian City Rocky Sports, Petra Cement-Roxas ZN Rockies, Big Boss Cement-Porac Green Gorillas at Zamboanga Peninsula Valientes MLV. Kung gagamiting batayan ang preseason tournament, kahit sinong koponan ang maaaring gumawa ng ingay at manggulat kaya asahan ang mahigpitang bakbakan.
Hahatiin ang 12 koponan sa apat na grupo ng tatlo at maglalaro ng single round robin. Ang dalawang may pinakamataas ng kartada sa bawat grupo ay tutuloy sa knockout playoffs.
“Isa sa mga layunin ng President’s Cup ay bigyan ng pagkakataon ang pambansang koponan na makalaro at magkasama sa isang torneo,” paliwanag ni Boss Ronald Mascarinas. Dahil dito, naglaan ng liga ng bonus ng P100,000 – manalo o matalo – sa kahit sinong koponan na haharapin ang Zamboanga City para sa kampeonato ng mga yugto.
Ang mga susunod na yugto ng President’s Cup ay gaganapin sa Oktubre 23, 25 at 27. Tutuloy ang lahat ng koponan sa Grand Finals sa Okutbre 30.





Comments