top of page

Tiyaga at tiwala sa diyos, tiyak ang magandang buhay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 28, 2024
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Enero 28, 2024


Fipa ang itatawag ko sa kanya sa gitna ng halos 28 taon ng aming pagkakaibigan. 


Hindi nag-iisa si Fipa. Maraming mga batang babae, ang nangarap na iahon sa kahirapan ang kanilang pamilya. Gagawin nila ang anumang kailangan para abutin ang kanilang pangarap.


Kura-paroko ako ng Parokya ng Banal na Sakripisyo, UP Diliman noong 1996. Napupuno ng sari-saring tindero at tindera ang labas at loob ng simbahan tuwing linggo dahil sa rami ng taong nagsisimba sa Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman o PHSOP.


Habang tumatagal nababawasan ang kaayusan ng simbahan tuwing katapusan at simula ng Misa dahil sa rami ng mga maninindang nagsisikap na kumita maski na paano tuwing araw ng Linggo. 


Alam kong kailangan kong iwasan ang anumang problema sa pamamagitan ng magandang pakikipag-usap. Kaya, isang karaniwang Linggo, nagtawag ako ng pulong ng lahat ng mga manininda upang pag-usapan ang kaayusan at ang kahalagahan ng tamang disiplina tuwing araw ng Linggo.


Hindi mahirap kausapin ang mga tindero at tindera. Isa rito ay ang batang-batang ina na laging kasama ang kanyang napakaliit na tatlong anak.


Tuwing Linggo mula ika-6 ng umaga hanggang ika-8 ng gabi, kasama ni Fipa ang kanyang tatlong maliliit na anak. Magkukuwintas ng sampaguita si Fipa at kapag may sapat nang kuwintas ng sampaguita, hahatiin niya ito sa tatlong anak na mag-iikot sa palibot ng simbahang bilog para ibenta ang mga kuwintas ng sampaguita. Kapag naubos ang mga ito, babalik kay Fipa ang kanyang mga anak upang kunin at muling ibenta ang mga kuwintas ng sampaguita na nagawa niya.


Ganito ang takbo ng buong araw ng Linggo para kay Fipa hanggang sa matapos ang pitong taong destino ko sa Parokya ng Banal na Sakripisyo. Hindi ko na alam ang naging buhay ni Fipa nang lumipat ako sa Parokya ng Birhen ng Medalya Milagrosa sa Project 4, Quezon City.


Isang araw noong taong 2007, nagulat na lang ako sa isang tinig na bumanggit sa pangalan ko sa Hong Kong. “Fr. Robert, Fr. Robert!” Paglingon ko, ganu’n na lang ang gulat ko nang makita ko si Fipa. “Anong ginagawa mo rito sa Hong Kong,” tanong ko kay Fipa. “Eh kayo po ano ang ginagawa po ninyo dito,” balik na tanong ni Fipa.


Mula noon hanggang sa pag-alis ko ng Hong Kong, tumulong sa akin si Fipa sa paglilingkod sa pamayanan ng mga OFW sa Hong Kong. Taong 2010, umalis na ako ng Hong Kong upang maglingkod naman sa Puerto Princesa, Palawan. Muli kaming nagkita ni Fipa sa Nobisyado ng mga Pransiskano sa Liliw, Laguna noong 2012 nang sinubukan ko ang buhay-Franciscan. 


Sa mga sumunod na limang taon, hindi ko na alam ang naging takbo ng buhay ni Fipa hanggang nabalitaan ko na lang na nag-asawa na ito at nakatira na sa Hiroshima, Japan.


Sa mga nagdaang taon, ilang ulit na nagpaabot ng paanyaya si Fipa na dumalaw ako sa Hiroshima. Sa wakas, heto na tayo sa tahanan ni Fipa para sa maikling dalaw at kuwentuhan upang balikan ang mahiwagang istorya ng kanyang buhay sa nagdaang 28 taon.


Unang nakilala ni Fipa si Ito na taga-Hiroshima noong 2010. Nakilala si Ito ng isang kaibigan na ginawa si Fipa ng bagong Messenger address. At nang sumagot na si Ito sa chat nagsimula na ang pag-uusap nina Fipa at Ito.


Ngunit, noong 2011, lubusang naputol ang ugnayan sa Messenger ng dalawa. Naganap ang trahedya ng tsunami sa Sendai noong 2011 at wala pa ring komunikasyon kay Fipa si Ito. Bandang Marso ng 2012, nangumusta si Ito kay Fipa at dinalaw pa ito sa Hong Kong. Mula noon lumalim ang ugnayan ng dalawa hanggang simulan nang hikayatin ni Ito si Fipa na sumama sa kanya sa Hiroshima.


Ganu’n na nga ang nangyari at nagpakasal ang dalawa noong Pebrero 2013. Merong dalawang anak sina Ito at Fipa. Nagmamahalan at masaya ang dalawa. Madalas umuwi sa ‘Pinas upang maghanap ng pagkakataong magsimula ng magandang business. Sa ngayon, kasama ni Fipa ang kanyang panganay na anak na dating hamak na paslit lang na nagtitinda ng sampaguita sa Parokya ng Banal na Sakripisyo noong 1996.


Tuwing uuwi si Fipa, inaanyayahan ni Fipa ang mga kaibigan niyang tindero at tindera sa UP na kumain sa masarap ng restaurant. Titiyakin ni Fipa na sobra ang pagkain para maraming “ma-Sharon” ang kanyang mga kaibigan. May pakimkim pa siyang ibibigay sa mga kaibigang tuwang-tuwang aalis at aasa sa muling pagbalik ni Fipa.


Naalala ko pa noong 1996 ang laging dasal at pangaral ko sa mga manininda, kasama si Fipa, magtiwala at magtiyaga kayo. Humingi ng tulong sa Panginoon at huwag matakot.


Huwag kalimutan ang kawikaan, “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” 


Mula sa pagtitinda ng sampaguita sa UP Diliman hanggang sa pagiging DH sa Hong Kong at ngayon sa Hiroshima, walang tigil ang gawa, lalo na ang tiwala sa Diyos ang ginawa ni Fipa.

 

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page