Tit For Tat, papalag kay Kid Baloloy
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 17, 2021
Pili ng ibang dehadista si Tit For Tat sa 2021 PHILRACOM Rating Based Handicapping System na ilalarga ngayong araw sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ayon sa mga komento ng mga dehadista sa social media malaki ang tiwala nilang kayang talunin ni Tit For Tat ang posibleng maging liyamado na si Kid Baloloy.
Rerendahan ni class A rider Kelvin Abobo, sasabak si Tit For Tat laban sa lima pang kalahok kasama si Kid Baloloy sa distansyang 1,400 meter race.
Ang ibang kalahok sa event na nakalaan ang added prize na P35,000 na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta ay sina Phenom, Raxa Bago, Victorious Run at After Party na sasakyan ni Jessie B. Guce.
Hahamigin ang dagdag premyo na P10,000 ng winning horseowner.
Pitong karera ang inihain ng Manila Jockey Club Inc. (MJCI) ngayong araw, suportado ito ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, kabilang sa aabangan ay ang isa pang PHILRACOM Rating Based Handicapping System.
Mapapalaban muli si Luke Skywalker at tiyak liyamado ito sa laban dahil maganda ang ipinakita nitong takbo noong nakaraan sa pista ng San Lazaro.
Pumangalawa si Luke Skywalker sa nanalong si Mommy Caring sa Philippine Sportswriters Association, (PSA) Cup noong November 7 na nilarga sa parehong lugar.
Si class A jockey JA Guce ulit ang sasakay kay Luke Skywalker, makakalaban nila sina Kiss Muna, Iikot Lang, Pulang Lupa, Misha, My Prancealot at Innocare.
May distansyang 1,400 meter race, hahamigin ng winning horse owner ang added prize na P5,000 habang may ikakalat naman na karagdagan pang P25,000 sa unang apat na kabayong tatawid sa meta.





Comments