Tips para magkaroon ng matibay at magagandang ngipin
- BULGAR

- Aug 2, 2020
- 2 min read
ni Lolet Abania - @No Problem | August 2, 2020

Magandang tingnan kapag ang nakakasalubong mo sa daan o nakakatabi sa sasakyan ay may matamis na ngiti na parang ang saya-saya ng paligid. Dahil dito, gumaganda ang araw mo at napapangiti ka rin sa kanya. Pero magiging mas masaya kung ang nakikitang nag-smile sa iyo ay may kumikislap na mga ngipin.
Kaya, narito ang ilang tips para magkaroon ng matamis na ngiti at may magandang ngipin:
1. MAGSEPILYO NANG MAAYOS. May tamang pagsesepilyo ng ating mga ngipin. Dahan-dahang i-brush ang mga ngipin na pa-circular para maalis ang plaque sa loob ng bibig. Mahirap matanggal ang mga plaque dahil tumitigas at dumidikit ito sa ngipin, kaya kapag hindi ito naalis, nagiging sanhi ito ng gingivitis o sakit sa gilagid. Dapat ding sepilyuhin ang dila dahil dito kumakapit ang mga plaque kaya bumabaho ang hininga. Kailangang dalasan ang pagsesepilyo, isa sa umaga at isa bago matulog o tuwing pagkatapos kumain.
2. GUMAMIT NG FLUORIDE TOOTHPASTE. Gumamit ng fluoride toothpaste tuwing magsesepilyo at hindi basta pampaputi o flavoured toothpaste. Pumili ng may fluoride dahil mainam ito para sa oral health at may matinding depensa laban sa pagkabulok ng mga ngipin. Gayundin, ugaliin ang paggamit ng dental floss dahil napasisigla nito ang ating mga gums dahil nababawasan ang plaque at naiiwasan ang pamamaga ng gilagid sanhi ng mga tinga. Magmumog din ng mouthwash para siguradong malinis at mabango ang bibig.
3. UMINOM NG MARAMING TUBIG. Tubig ang pinakamahusay na inumin para sa ating kalusugan, lalo na sa oral health. Sa halip na alak o softdrinks, ugaliin ang pag-inom ng tubig pagkatapos o habang kumakain. Nakatutulong ito para mahugasan at maalis ang mga natirang kinain at ininom sa ating bibig.
4. KUMAIN NG SARIWANG PRUTAS AT GULAY. Magandang kumain ng fresh fruits at gulay araw-araw. Bukod sa mainam sa kalusugan, nakatutulong ito sa pagtibay ng mga ngipin. Gawin ding crunchy ang mga gulay na kakainin dahil nae-exercise ang jaw o panga sa pagnguya. Iwasan ang matatamis at acidic foods dahil ang sugar ay nagiging acid na sumisira sa enamel ng ngipin at ang acid na ito ay nagiging cavities. Gayundin, iwasan ang pagyoyosi dahil dumidikit sa mga ngipin ang nicotine na galing sa sigarilyo at nakakabaho pa ito ng hininga.
5. KUMONSULTA SA DENTISTA. Tandaan na dapat kumonsulta sa dentista nang isang beses kada taon. Siya ang maglilinis at mag-aalaga ng mga ngipin para hindi mabulok agad. Kaya niyang alisin ang calculus, plaque, bacteria at cavities na meron sa mga ngipin, gayundin, siya ang nakakaalam kung paano gagamutin ang anumang sakit na meron sa ating bibig.
Ang pagkakaroon ng matibay na mga ngipin ay tulad ng pagbabantay sa ating kalusugan dahil kailangan ng tamang pag-aalaga at habits sa ating oral health. Kapag may maayos tayong mga ngipin, masarap ang kumain, magiging masigla at malusog ang ating katawan. Tandaan, magandang sundin ang mga ito para maipakita ang matamis na ngiti at makikislap nating mga ngipin. Gets mo?





Comments