Tinawag na bobo ng netizen, rumesbak… ANGELINE: 75 ANG GRADE KO SA CARD KAYA PASADO PA RIN
- BULGAR

- 3 hours ago
- 3 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | February 3, 2026

Photo: FB Angeline Quinto
Minsan ay patola rin ang singer-actress na si Angeline Quinto sa mga hindi kanais-nais na komento ng mga netizens hinggil sa kanya.
Sa kanyang YouTube (YT) channel na @loveangelinequinto, binasa ng singer ang mga hate comments sa social media post niya, at ang goal niya sa dulo ng video ay manatiling unbothered habang binabasa ang mga ito.
Isa sa mga komentong nabasa niya ay ang pagtawag sa kanya ng “bobo”.
Hindi nagpatinag si Angeline at pinatunayang kahit papaano ay may pinag-aralan siya.
Natawa ang singer at aniya, “Wala naman akong sinabi na matalino ako at top honor sa eskuwelahan.”
Paliwanag pa niya, “Hoy! Grabe ka naman. Hindi ako bobo dahil ang grade ko sa card noong elementary days ko ay 75. Kapag 74, (red) ballpen na ang ginagamit. Nasa black ballpen pa rin ako, so pasado pa rin ako.”
Pagmamalaki pa niya, “Alam mo ba, may medal ako sa spelling. Bigyan n’yo ako ng spelling. Sige, i-spell ko.”
Dagdag pa niya, “Mississippi? Alam mo ba ang spelling ng Mississippi?”
Sumagot ang kanyang audience, ngunit baligtad ang pagkakabasa ng singer.
“Oh, baligtad. Sino’ng bobo ngayon? Shunga lang, ‘di bobo,” wika niya.
Pakli pa ni Angeline, “Aaminin ko sa ‘yo, tuwing recess at lunchtime namin, nagre-review ako ng lyrics ng kanta.”
Tinanong ng audience, “So bobo o hindi?”
Sagot ni Angeline, “A big no-no, my darling.”
Hirit pa ng singer, “Ikaw, ipa-spell ko sa ‘yo ang Mississippi.”
Hahaha! ‘Kaloka talaga ‘tong si Angeline, hindi pa rin nawawala ang pagiging witty. Kaya naman hanga ang marami sa kanyang natural na sense of humor at husay sa pagkanta.
BINUWELTAHAN ni Sen. Robin Padilla ang political analyst na si Ronald Llamas matapos siyang makatanggap ng kritisismo mula rito.
Hindi napigilan ng aktor-pulitiko na sumagot. Ayon kasi kay Llamas, si Padilla umano ang pangunahing dahilan kung bakit maraming celebrities na tumakbo sa 2025 midterm elections ang hindi nanalo.
Dagdag pa niya, hindi na raw nakatuon ang mga botante sa kasikatan at name recall sa pagpili ng mga kandidatong ihahalal sa puwesto.
Prediksiyon pa ni Llamas, hindi na umano magiging number one ang senador kapag muli itong tumakbo sa 2028 elections.
Gayunman, nauna nang idineklara ni Robin na hindi na siya muling tatakbo, na pinagtibay naman ng kanyang misis na si Mariel Padilla, na nagsabing hindi raw deserve ng mga Pilipino ang kanyang mister.
Ani ng mister ni Mariel, “Tunay po na adbokasiya ko ang paghalal ng ‘di sikat, ‘di mayaman, at hindi mula sa political na pamilya, kundi ang maghalal ng mga bago—mga walang pangalan, walang kayamanan, at hindi mula sa political na pamilya.”
Dagdag pa niya, hindi lamang umano ito tungkol sa mga artista kundi sa lahat ng mga ‘bolero’ na matagal nang nasa kapangyarihan ngunit wala namang naiaambag sa kaunlaran ng bansa kundi korupsiyon.
Walang pinangalanan ang senador, ngunit espekulasyon ng mga netizens na patungkol ito kay Llamas dahil sa naunang balita na nasangkot ito sa pagbili ng pirated DVDs.
Noong 2011, napabalitang bumibili umano si Llamas ng pirated CDs at DVDs, na sa panahong iyon ay karaniwan umanong ginagawa ng ilan sa mga nasa unibersidad dahil mas mura ang mga ito.
“Bawasan-bawasan ninyo po ang pangungutya. Mainam ay tumakbo po kayo para mapatunayan ninyo rin ang kakayahan ninyong manalo,” ani pa ng senador.
Lusot agad?!
VICE GANDA, NAG-BOMB JOKE SA IT’S SHOWTIME, NAG-SORRY AGAD
BAGO nagtapos ang It’s Showtime (IS) kahapon ay humingi ng paumanhin si Vice Ganda dahil sa joke niyang may iniwan umanong kahon o bag sa may ABS-CBN na ang laman daw ay bomba.
Hindi naman sinabi ni Vice kung totoo ngang may nakita, ngunit palaisipan sa mga nakapanood at nakarinig ang kanyang nabanggit bilang host.
Napagsabihan umano ng management si Vice kaya bago nagtapos ang programa ay humingi siya ng paumanhin sa madlang pipol at sa mga manonood.
Aniya, “Humihingi po ako ng paumanhin sa nabanggit kong bomba kanina. It’s a joke lang po. Bawal po pala ang nagdyo-joke tungkol sa bomba. Pasensiya na po. It’s only a joke.”
Magkagayunman, the damage has been done, kaya ang tanong ng ilang netizens, mapaparusahan kaya si Vice tulad ng ibang ordinaryong tao na una na ring nag-bomb joke at naparusahan?








Comments