Tinago Falls, Mariacristina Falls sanib puwersa sa 2-YO Maiden Race
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 11, 2021
Maganda ang line-up ngayong araw ng Huwebes, siyam na balanseng karera ang pakakawalan sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Puspusan ang pag-aaral ng mga karerista sa unang race, ang simula ng winner take all, anim na kabayo ang magtatagisan ng bilis sa 2-Year-Old Maiden race na may distansyang 1,200 meter race.
Limang numero lang ang pagpipilian dahil may couple entry sa event na may added prize na P10,000 na inisponsoran ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM). Ang mga kalahok ay sina Tatler Story, Hee Nieve Rahh, Sophisticated, Pantay Pantay Lang at magkakamping Mariacristinafalls at Tinago Falls.
Ayon sa ibang karerista, napipisil nilang tayaan ang magka-kuwadrang Tinago Falls, Mariacristinafalls na sasakyan nina Patty Dilema at CM Pilapil ayon sa pagkakasunod.
"Dyan na lang ako, baka isa sa kanila, (Mariacristina Falls, Tinago Falls) ay mahusay o puwedeng pareho," saad ni Ricardo Cecillo, karerista.
Tiyak na aabangan din ng mga karerista ang bakbakan sa Condition Race (20) na pakakawalan sa race 2.
Para sa mga karerista, sina Candaba at Easy Landing ang puwedeng bumenta ng malaki sa takilya laban sa lima pang kabayong kalahok sa distansyang 1,200 meter race.
Rerendahan ni star jockey Jeffril Zarate si Easy Landing habang si Rodeo Fernandez ang gagabay kay Candaba, ang ibang kasali ay sina Kapayapaan, No Regret, Boss Nova, Noble Run at Lakan Takhan.
Isa pang magandang karera ang maaaring abangan ng mga karerista ay ang PHILRACOM Rating Based Handicapping System na ikakasa sa race 6.
Magbabakbakan sa 1,400 meter race sina Skymarshal, Rockstar Show, Cat Bell, Happy Maggie, Westeros, Macarthur Park, A. P. Factor, Victorious Run at Namayan.
Samantala, siyam na karera ang inihain ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ngayong araw ng Huwebes.





Comments