Time For Glory, matikas sa Pasay
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |December 15, 2022
Hindi nagpadaig si Time For Glory noong Linggo ng magpakitang-gilas sa Pasay ‘The Travel City’ Grand Cup na pinakawalan sa Metro Turf, Malvar sa Batangas.
Hinamig ng horse owner na si Engr. Jun Sevilla ang premyong P450,000 matapos itala ni Time For Glory ang winning time na 1:51.6 minuto sa 1,800 meter race.
Sinakyan ni class A jockey Mark Angelo Alvarez, ipinuwesto nito si Time For Glory sa panglima paglabas ng aparato pero pagsapit ng farturn ay nailapit na niya ang winning horse sa bumanderang Gusto Mucho.
Naagaw ni Time For Glory ang unahan sa rektahan at nanalo ito ng may dalawang kabayong agwat sa pumangalawang Robin Hood. Nasungkit ni Robin Hood ang second prize na P168,750, pumangatlo ang Gusto Mucho na nagbulsa ng P93,750 habang pang-apat na tumawid sa meta ang Flaterring You na nakapag-uwi ng P37,500.
Nakapagtala ng dalawang record ang karera noong Linggo kung saan nakapagbenta ng P25.75-million, pinakamalaking naitala sa taong ito.
At sa kauna-unahang pagkakataon din sa taong ito ay walang nanalo sa tatlong sikat na winner-take-all events. Ang Pasay ‘The Travel City’ Racing Festival ay itinataguyod ng Lungsod ng Pasay at ng Metro Manila Turf Club kasama ang Newport World Resorts, SMDC, PCSO at Pagcor. Itinakbo ang nasabing event bilang pagpupugay sa anibersaryo ng Pasay City, ang tinaguriang Pinto ng Turismo sa bansa.
Sa Calixto Cup, pumangalawa si Gomezian na nagwagi ng P112,500 premyo at sinundan nina Don Julio at Eazacky na nanalo ng P62,500 at P25,000, ayon sa pagkakasunod.
Ang Grand Cup winner noong isang taon na si Raintree Starlet na nirendahan ni Jesse Guce ay naghari sa 9th Pasay City Emi Calixto-Rubiano Cup para makuha ang top prize na P300,000.
Segunda si Palibhasa Lalake (P112,500), 3rd si Speed Fantasy (P62,500) at 4th si Sudden Impact (P25,000). Si Sweet Giselle ang nag-uwi ng P240,000 pangunahing premyo sa Former Pasay OIC Mayor Duay Calixto Memorial Cup na sakay si jockey OP Cortez.
Segunda si Swakto Power Duo (P90,000), 3rd si Player Andri (P50,000) at 4th si Gintong Hari (P20,000). Nanalo sa trophy races sa racing festival na inihahandog para sa sina Mommy Zen sa PCSO Race; Red Sole sa Mark Calixto Race; It’s A Deal sa Pasay City Council District I Race; Rain, Rain Go Away sa Pasay City District II Race; Piece of Cake sa Pasay City VM Ding del Rosario Race; Landslide sa Pasay Engineer’s Office Race at Misha sa SMDC Trophy Race.





Comments