Tikas ni Boss Emong walang kupas sa Turf
- BULGAR
- Mar 28, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 28, 2023
Hindi pa rin nawawala ang tikas ni Boss Emong, pinatunayan nitong hari pa rin sa pista matapos angkinin ang korona sa 2023 PHILRACOM "Classic Cup" na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Napiling Horse-of-the-Year sa Philippine Sportswriters Association, (PSA) awards Night noong Marso 6 si Boss Emong.
Hinangaan ng mga karerista si Boss Emong matapos ang magandang performance nito sa karerahan.
Sinakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, ipinuwesto niito ang Boss Emong sa tersero sa largahan para panoorin ang nasa unahang Sky Shot at reigning presidential Gold Cup champion Big Lagoon.
Pagdating ng far turn ay ibinubuga ng race caller ang paglapit ng pambato ni Atty. Kennedy Morales na Boss Emong sa Sky Shot at Big Lagoon habang ang Gomezian naman ay rumeremate sa tabing balya.
Pagspit ng huling kurbada ay naagaw na ng Boss Emong ang unahan habang nasa pangalawa at tersero puwesto ang Gomezian at Big Lagoon.
Hindi na pinaporma ng Boss Emong ang mga nakatunggali at tinawid nito ang meta ng may apat na kabayo ang agwat sa pumangalawang Big Lagoon.
Nirehistro ng Boss Emong ang tiyempong 1:50.4 sa 1,800 meter race sapat upang ibulsa ang P1.5M premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nakopo ng Big Lagoon ang P562,500 habang nasungkit ng third placer na Gomezian ang P312,500 at P125,000 ang kinubra Robin Hood.
Naibulsa rin ng breeder ng winning horse ang premyong P125,000 habang tig-P75,000 at P50,000 ang second at third.





Comments