Tiangge at night market owners, ‘wag makalimot sa health protocols
ni Ryan Sison - @Boses | October 19, 2021
Matapos ibaba sa Alert Level 3 ang Metro Manila, kapansin-pansing dagsa na ang mga tao sa labas, partikular sa mga pasyalan, mall at pamilihan.
Kaugnay nito, mahigpit na binilinan ng Philippine National Police (PNP) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga may-ari ng night markets at tiangge na ipatupad ang minimum health protocols.
Giit ng PNP, dapat may mga nakakalat na karatula na nagpapaalala sa mga magtutungo sa mga tiangge at night markets na sumunod sa minimum health protocols. Gayundin, mag-iikot ang kapulisan upang matiyak na nasusunod ang mga ito.
Sinabi naman ni MMDA chairman Benhur Abalos na maglalabas din ang Inter-Agency Task Force (IATF) ng mga panuntunan para sa operasyon ng mga night market at tiangge.
Habang marami sa atin ang gustong maghanapbuhay at ‘yung iba ay nais makapamili, plis lang, iwasang magpasaway.
Paraan na rin ito upang hindi maulit ang nangyari noong nakaraang taon na ipinasara ang isang night market dahil sa paglabag sa health protocols.
Tulad ng palagi nating sinasabi, hindi porke nagluwag at mas marami nang aktibidad na pinapayagan ay aasta na tayong parang walang virus.
Sa lahat ng pagkakataon, kailangan ng pag-iingat at tandaan na nasa ‘new normal’ tayo at hindi back to normal.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments