Thunder at Nuggets 2-2, Pacers namumuro na
- BULGAR
- 1 day ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 13, 2025
Photo: Oklahoma City Thunder vs Nuggets - FB
Higanteng tagumpay ang nauwi ng bisita at numero unong Oklahoma City Thunder laban sa Denver Nuggets, 92-87 at itabla ang 2025 NBA Western Conference Semifinals sa 2-2 kahapon sa Ball Arena. Isang panalo na lang ang kailangan ng Indiana Pacers para pagbakasyunin ang numero uno ng East Cleveland Cavaliers matapos ang 129-109 desisyon sa Game 4.
Matiyagang humabol ang OKC mula sa 81-73 sa unang minuto ng huling quarter hanggang maagaw ang lamang sa tres ni Cason Wallace at hindi na nila binitawan sa nalalabing 8 minuto, 75-73. Inihatid ni Shai Gilgeous-Alexander ang pandiin na puntos papasok ng huling 2 minuto, 88-81, at sinelyuhan ng apat na free throw ni Jalen Williams sa huling 20 segundo ang resulta.
Bumawi si SGA mula sa “malamyang” ipinakita sa 104-113 talo sa Game 3 kung saan 18 puntos lang siya. Ngayon, ipinasok niya ang siyam ng kanyang 25 sa huling quarter.
Double-double si Nikola Jokic na 27 at 13 rebound. Lilipat ang serye sa Paycom Center para sa Game 5 sa Miyerkules at babalik sa Ball para sa Game 6 sa Biyernes at kung kailangan ng Game 7 ay sa Lunes sa Paycom.
Sa gitna ng pagiging hirap ng mga koponan na ipagtanggol ang tahanan ngayong semifinals, nanigurado ang Pacers at dinomina ang laban para sa 3-1 bentahe sa serye. Nagtala ng 80 ang Indiana matapos ang unang 2 quarter at ang three-point play ni Pascal Siakam sa simula ng pangatlo ang nagtayo ng pinakamalaking agwat, 83-39.
Nanguna sa atake sina Siakam na may 21 at Myles Turner na may 20 kahit hindi na sila ginamit sa huling quarter. Maaaring tapusin ng Pacers ang serye sa Game 5 sa Huwebes pagdalaw nila sa Rocket Arena.
Matapos magtala ng 41.3 sa unang tatlong laro, nalimitahan si Donovan Mitchell sa 12 lang. Nagtala ng 21 si Darius Garland.
Comments