Thompson, bumida sa panalo ng GS Warriors
- BULGAR

- Feb 16, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | February 16, 2024

Gumawa ng ingay si Klay Thompson sa 140-137 tagumpay ng Golden State Warriors sa Utah Jazz sa NBA kahapon mula sa Chase Center. Bago ang taunang All-Star, naging ika-153 manlalaro sa kasaysayan ng liga na nagtala ng 15,000 puntos.
Pumasok sa laro ang bumisita sa Pilipinas bago magbukas ang NBA na kailangan ang 15 upang maabot ang natatanging marka. Bumira siya ng 35 puntos mula sa pitong three-points bilang reserba subalit sa oras ng kagipitan ay tumakbo ang Warriors kay Stephen Curry.
Sa gitna ng banta ng Jazz, walang-kabang ipinasok ni Curry ang dalawang free throw galing sa foul ni Keyonte George na may dalawang segundo sa orasan at palakihan ang kanilang bentahe, 140-137. Tumawag ng timeout ang Utah subalit nag mintis ang tres ni Collin Sexton sabay tunog ng busina.
Nagtapos si Curry na may 16 at 10 assist habang may ambag na 23 si Draymond Green. Nanguna sa Jazz sina George na may 35 at Sexton na may 33 habang may 13 si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson.
Sa ibang laro, pinatibay ng Minnesota Timberwolves ang kapit nila sa liderato ng Western Conference at tinambakan ang Portland Trail Blazers, 128-91, para sa ika-39 tagumpay sa 55 laro. First quarter pa lang ay tapos na ang usapan at tumalon ang Minnesota sa 44-14 lamang sa likod ni Anthony Edwards na nagtapos na may 35 puntos at sinuportahan ni Karl Anthon Towns na may 23.
Tinakasan ng Memphis Grizzlies ang Milwaukee Bucks, 113-110, salamat sa tambalan nina Ziaire Williams at reserba GG Jackson na parehong gumawa ng tig-27 puntos. Binigyan ni Williams ng 113-104 lamang ang Memphis na may 49 segundong nalalabi subalit humabol ang Bucks sa dalawang tres ni Malik Beasley subalit hanggang doon lang at nagmintis ang tres ni Damian Lillard na magtatakda sana ng overtime.




Comments