top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 30, 2024




Ipinasok ni Jamal Murray ang nagpapanalong buslo na may apat na segundo sa orasan at pinabakasyon ng World Champion Denver Nuggets ang Los Angeles Lakers, 108-106, sa NBA Playoffs kahapon sa Ball Arena. Pasok na rin sa susunod na yugto ang numero unong West Oklahoma City Thunder na winalis ang New Orleans Pelicans, 97-89.


Tinabla ng dalawang free throw ni LeBron James ang laro sa 106-106 subalit hindi tumawag ng timeout ang Nuggets at ibinaba agad ang bola para bumida si Murray.


Ibinato ni Taurean Prince bola subalit nagmintis ito at naging hudyat ng selebrasyon ng Denver na tinapos ang seryeng best-of-seven, 4-1.


Nanguna si Murray na may 32 puntos at malaki din ang ambag nina Michael Porter Jr. na may 26 at Nikola Jokic na may 25 at 20 rebound. Haharapin nila sa West Semis ang naghihintay na Minnesota Timberwolves na tinapos ang Phoenix Suns, 4-0.


Hawak ng Pelicans ang 80-75 lamang pero nabuhay ang Thunder sa likod ng mga mahahalagang tira nina Jalen Williams, Josh Giddey at Shai Gilgeous-Alexander. Naabot ng OKC ang kanilang pinakamalaking bentahe bago ang huling tatlong minuto sa three-points ni Williams, 93-82, at inalagaan nila ito ng mabuti.


Parehong nagtapos na may tig-24 sina Williams at SGA. Hihintayin pa nila ang magwawagi sa serye ng Dallas Mavericks at LA Clippers na pantay sa 2-2.

Sa East, tinambakan ng numero unong Boston Celtics ang Miami Heat, 102-88.


Maaaring tapusin na nila ang serye sa Game 5 pag-uwi sa TD Garden ngayong Huwebes.


Nakahugot ng lakas ang Celtics kay Derrick White na first quarter pa lang ay nagbagsak ng 16 para sa 34-24 lamang. Buong laro ay napanatili ni White ang kanyang talas at nagtapos na may 38 puntos buhat sa walong tres. g suporta nina Josh Giddey at Jalen Williams na tig-21 puntos.

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 26, 2024




Isang panalo na lang ang kailangan ng World Champion Denver Nuggets para walisin ang Los Angeles Lakers sa 2024 NBA Playoffs. Tinalo nila ang Lakers, 112-105, kahapon sa Crypto.com Arena para sa 3-0 bentahe sa seryeng best-of-seven.

Ginanahan ang Lakers na nakalaro na sila muli sa tahanan matapos mabigo sa unang dalawang laro sa Ball Arena. Ipinakita ng Nuggets bakit sila ang kampeon at umarangkada sa third quarter sa likod nina Aaron Gordon at Jamal Murray para sa 83-75 lamang na hindi na nila binitawan.

Sina Nikola Jokic at Michael Porter Jr. ang naghatid ng mga paniguradong puntos hanggang itayo nila ang 93-81 lamang sa dunk ni Porter. Nagtapos na may 29 at 15 rebound si Gordon habang kinulang ng isang assist si Jokic para sana sa triple double na 24 at 15 rebound

Sa Eastern Conference, nakaiwas mabaon sa 3-0 ang Orlando Magic at Philadelphia 76ers at parehong rumehistro ng mahalagang tagumpay sa kanilang hiwalay na serye. Nagsabog ng 50 si MVP Joel Embiid para buhatin ang 76ers kontra New York Knicks, 125-114, habang sumandal ang Magic kay Paolo Banchero para sa 121-83 tambakan sa Cleveland Cavaliers.

Nakuha ng Knicks ang first half, 58-55, subalit ibang Philadelphia ang lumabas para sa second half at walang mintis sa limang three-points si Embiid para sa 33 ng kanyang 50. Ang kanyang huling tres ang nag-akyat sa 111-96 ang agwat at 6:27 ang nalalabi.

Hindi pa tapos si Embiid at ipinasok ang siyam sa huling 14 ng koponan. Sumuporta ang bagong hirang na Most Improved Player Tyrese Maxey na may 25.

Mahirap mapigilan si Banchero na nagtala ng 31 at 14 rebound sa loob ng 29 minuto lang. Maagang sumuko ang Cavs at pinabayaang umarangkada ang Magic sa 112-69 lamang papasok sa huling apat na minuto.


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 25, 2024




Isang text galing sa kakamping si Jimmy Butler ang nagpagana ng laro ni Tyler Herro at ginulat ng bisitang Miami Heat ang numero unong Boston Celtics, 111-101, sa NBA Playoffs kahapon sa TD Garden. Tumabla ang seryeng best-of-seven sa 1-1 at lilipat na sa Kaseya Center para sa Game 3 at 4.


Hindi kasama sa lakbay si Butler na napilay sa Play-In Tournament subalit tiniyak na makakatulong pa rin siya. Sinagot ni Herro ang hamon at nagsabog ng 24 puntos at 14 assist habang tig-21 sina Bam Adebayo at Caleb Martin kung saan nagpasok ng kabuuang 23 tres ang Miami.


Bumanat ang Miami ng 10 sunod na puntos simula sa mga 3-points nina Herro at Haywood Highsmith at tinuldukan ng dalawang buslo ni Martin para sa kanilang pinakamalaking lamang, 82-70. Mula roon ay inalagaan nila ito ng mabuti sa mga mahalagang shoot ni Adebayo at mga free throw ni Herro sa huling quarter.


Sa Western Conference, sinigurado ng numero unong Oklahoma City Thunder na hindi sila matutulad sa Celtics at pinarusahan ang bisitang New Orleans Pelicans para maging 2-0 ang kanilang serye. Lahat ng unang limang ipinasok ni Coach Mark Daignault ay nag-ambag ng 13 o higit na puntos sa pangunguna ni Shai Gilgeous-Alexander na may 33 at rookie Chet Holmgren na may 26.


Tumalon sa 5-0 lamang ang Pelicans subalit hanggang doon na lang at hindi napigil ang Thunder na sumandal sa 7’1” Holmgren na nagbagsak agad ng 15 para lumamang, 35-22. Lumobo hanggang 34 ang agwat sa 4th quarter, 120-86.


Maglalaro ng kanilang mga Game 3 ngayong araw ang Cleveland Cavaliers sa Orlando Magic, New York Knicks sa Philadelphia 76ers at World Champion Denver Nuggets sa Los Angeles. Lahat ng mga bisita ay lamang sa serye, 2-0.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page