The Great at Valentina, kampeon pa rin sa UFC
ni Gerard Arce - @Sports | September 28, 2021

Matagumpay na nadepensahan nina UFC featherweight champion Alexander “The Great” Volkanovski at women’s flyweight titlist Valentina “The Bullet” Shevchenko ang kani-kanilang titulo habang muling nagharap matapos ang 17-taon sina Robbie Lawler at Nick Diaz sa UFC 266 noong Linggo sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada.
Natapos ang bakbakan sa featherweight match ng basag at duguan ang mukha ng kalaban ni Volkanovski na si Brian “T-City” Ortega para sa unanimous decision. Natanggap ni Volkanovski ang 49-46, 50-45 at 50-44 para sa kanyang ika-20th straight na panalo at ikalawang beses na pagdepensa sa titulo.
“I thought I was in his head, and then he came back even stronger,” wika ni Volkanovski. “Credit to him. ... It's just preparation. I'm a normal human being. Hard work got me to where I am. Everyone can do what I've done,” ani Volkanovski na natakasan ang mahigpit na guillotine choke ni Ortega sa third round.
Pinanghawakan ng 32-anyos na Australian champion ang unang dalawang rounds, ngunit nakatyempo ng isang kaliwang suntok si Ortega sa 3rd round tungo sa naturang choke. Subalit naging masigasig si Volkanovski para takasan ang hawak na submission ni Ortega. Muling inulit ng duguang si Ortega ang submission sa 4th round, ngunit matibay ang Australian champion na patuloy pa ring natakasan ang submission.
“I thought he was done,” sambit naman ni Ortega. “I was trying to go for his head, but he's tough as hell. I tried to finish him. I heard him gargling, but he slipped out. He's the champ for a reason.”
Nadepensahan naman ng 33-anyos na Kyrgyzstani at Peruvian na si Schevchenko (22-3, 8KOs, 7 Subs) ang kanyang titulo sa ika-anim na pagkakataon para sa ika-8th sunod na panalo kontra naman kay American Lauren “Lucky” Murphy sa 4:00 minute para sa 4th round TKO sa pamamagitan mga suntok at siko sa ground and pound.





Comments