TES, mas malawak na tulong para sa mga estudyante
- BULGAR

- 8 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 8, 2026

Nitong nakaraang linggo, nilagdaan na ng Pangulo ang isang batas na layong patatagin ang programa ng ating bansa para sa libreng kolehiyo. Inamyendahan ng naturang batas ang Universal Access to Quality Tertiary Education (Republic Act No. 10931) o ang Free Higher Education Law upang tiyaking matutulungan ng libreng kolehiyo ang mas marami pang mga mag-aaral na nangangailangan.
Bilang isa sa mga may-akda at nagsulong ng Republic Act No. 10931, at isa rin sa mga nagsulong na amyendahan ito, ikinagagalak natin ang pagkakalagda sa bagong batas.
Dahil sa pagpapatatag natin sa libreng kolehiyo, hindi lamang tuloy-tuloy na edukasyon ang titiyakin natin. Sisiguraduhin din nating makakatapos ang mga mag-aaral na ating tinutulungan.
Sa ilalim ng bagong batas, bibigyang prayoridad bilang mga benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) ang mga mag-aaral mula sa 4Ps na naka-enroll sa kolehiyo o pamantasang kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED) o sa technical-vocational institutions na rehistrado sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Kailangan ding kabilang ang kanilang mga pamilya sa pinakabagong listahan ng 4Ps households.Kung ating babalikan, ang TES ay tulong pinansyal na ibinibigay sa mga kwalipikadong mag-aaral upang matulungan silang tustusan ang iba’t ibang pangangailangang pang-edukasyon. Kabilang dito ang matrikula para sa mga mag-aaral ng pribadong paaralan. Maaari ring gamitin ang TES upang tustusan ang mga kagamitan para sa pag-aaral kagaya ng mga computer, mga aklat, at iba pa.
Pinalalawak din ng batas ang mga pinahihintulutang paggamit ng TES, kabilang ang karagdagang allowances para sa internships at related learning experiences.
Magbibigay na rin ito ng dagdag na tulong para sa mga mag-aaral na nangangailangan upang matugunan nila ang mga hadlang sa kanilang edukasyon.
Sa pagpapatatag natin ng libreng kolehiyo sa ganitong paraan, matitiyak nating makakarating ang tulong sa mga mag-aaral na higit na nangangailangan, matutulungan natin sila sa pagpapatuloy ng kanilang edukasyon, at mapipigilan natin ang posibilidad ng kanilang pag-drop out. At ngayong tinatalakay na natin ang 2027 national budget, titiyakin natin na ang pondo para sa libreng kolehiyo, kabilang ang TES, ay naaayon sa mandato ng bagong batas.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments