ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Enero 15, 2024
Dear Chief Acosta,
Noong taong 2009, ang aking ama ay nagtatag ng isang korporasyon, na kung saan ako ay isa sa mga itinalagang incorporators. Alinsunod sa aming Articles of Incorporation, ito ay nakatakdang matapos sa susunod na taon. Nais kong malaman kung may probisyon sa kasalukuyang Corporation Code na makakaapekto sa aming corporate term? - Melissa
Dear Melissa,
Ang batas na sasaklaw patungkol sa estado ng inyong korporasyon ay ang Republic Act No. 11232 o mas kilala bilang Revised Corporation Code of the Philippines. Nakasaad sa Section 11 ng nasabing batas na:
“SEC. 11. Corporate Term. – A corporation shall have perpetual existence unless its articles of incorporation provides otherwise.
Corporations with certificates of incorporation issued prior to the effectivity of this Code, and which continue to exist, shall have perpetual existence, unless the corporation, upon a vote of its stockholders representing a majority of its outstanding capital stock, notifies the Commission that it elects to retain its specific corporate term pursuant to its articles of incorporation: Provided, That any change in the corporate term under this section is without prejudice to the appraisal right of dissenting stockholders in accordance with the provisions of this Code.”
Ayon sa nabanggit na probisyon ng kasalukuyang batas, ang termino ng isang korporasyon ay walang hanggan. Ang mga korporasyon na nabuo bago maipasa ang kasalukuyang batas ay magkakaroon ng kaparehong termino, liban lamang kung ang mga stockholders na kumakatawan sa majority ng outstanding capital stock ng nasabing korporasyon ay siyang mag-abiso sa Securities and Exchange Commission (SEC) na kanilang pinipili ang termino na nakasaad sa kanilang articles of incorporation.
Sa ganoong pagkakataon, ang termino na masusunod ay kung ano ang nakasaad sa articles of incorporation.
Sa inyong sitwasyon, ang termino ng inyong korporasyon ay mananatili sa kabila ng nakasaad na pagtatapos nito, alinsunod sa inyong articles of incorporation. Subalit, kung nais ninyong sundin ang terminong nakasaad sa articles of incorporation, marapat na ito ay ipagbigay-alam ninyo sa SEC sa pamamagitan ng boto ng inyong stockholders na kumakatawan sa majority ng outstanding capital stock.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments