Tell Bell, liyamado sa Triple Crown Race
- BULGAR
- Mar 15, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | March 15, 2023
Markado si Tell Bell sa Road to Triple Crown Stakes Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City sa Batangas sa darating na Linggo.
Kabilang si Tell Bell sa pitong tigasing kabayo na nagsaad ng pagsali sa nasabing event para sa mga batang future champions.
Maliban kay Tell Bell sasali rin sa distansiyang 1,600 meter race sina Domsat Seven, Glamour Girle, Go Aydan Go, Going East, Open Billing at Player Andri.
Gagabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, posibleng maging liyamado si Tell Bell sa event na nakalaan ang P1-M guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta.
Nagpakitang-gilas ng nakaraang buwan si Tell Bell nang manalo sa 2023 PHILRACOM 3-Year-Old Stakes Race na inilarga sa parehong lugar.
Kasama sa tinalo ng anak nina Sakima (USA) at Don't Tell Ella (AUS) na si Tell Bell sina Prime Billing at Glamour Girle.
Kukubrahin ng mananalong kabayo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ang P600,000, habang mapupunta ang P225,000, P125,000 at P50,000 sa second hanggang 4th placers ayon sa pagkakahilera.
May ibubulsa rin ang breeder ng winning horse na P50,000 habang tig-P30,000 at P20,000 ang second at third.
Sa ngayon ay naghahanda na ang mga kabayong makikipagtagisan ng bilis upang sikwatin ang inaasam na premyo.





Comments