Team U.S.A. handa na sa FIBA, Alapag Dev't coach sa NBA
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 6, 2023

Itinalaga ng Sacramento Kings si Jimmy Alapag bilang kanilang bagong Player Development Coach noong Sabado. Magiging bahagi na ng staff ni Coach Mike Brown ang alamat ng Philippine Basketball na itinuring ito na pagtupad ng kanyang matagal na pangarap.

Inakyat si Alapag mula sa Stockton Kings sa NBA G-League kung saan siya ay assistant coach buhat pa noong 2021. Naging bahagi rin siya ng staff ng Sacramento sa NBA Las Vegas Summer League noong 2019 at 2021.
Samantala, puspusan na ang paghahanda ng Team USA para sa 2023 FIBA World Cup sa pagbukas ng kanilang kampo sa Las Vegas. Nagbuo ang USA Basketball ng Select Team upang labanan ang koponan sa ensayo na sina kabayan Jalen Green, Cade Cunningham at Jalen Duren ng Detroit, Quentin Grimes, Chet Holmgren at Jalen Williams, Payton Pritchard, Trey Murphy at Herb Jones, Keegan Murray, Naz Reid, Eric Mika at John Jenkins at free agent Langston Galloway sa gabay ni Coach Jamal Mosley.
Maliban sa ensayo, maaaring humugot ng manlalaro mula sa Select kung sakaling may mapilay o umatras bago ang World Cup. Ang Team USA ay binubuo nina Banchero, Jaren Jackson Jr. Anthony Edwards, Tyrese Haliburton, Bobby Portis, Walker Kessler, Austin Reaves, Brandon Ingram ng New Orleans, Mikal Bridges at Cam Johnson ng Brooklyn at Jalen Brunson at Josh Hart ng New York at Coach Steve Kerr ng Golden State.
Nakatakdang subukan ng mga Amerikano ang Puerto Rico sa Agosto 8 sa T-Mobile Arena. Matapos nito, lalakbay sila para harapin ang host Espana at Slovenia sa Malaga sa Agosto 12 at 13 at susundan ng mga laro kontra Gresya at Alemanya sa Agosto 18 at 20 sa Abu Dhabi bago tumulak papuntang Pilipinas.





Comments