top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Team U.S.A. bigatin ang mga coach sa FIBA World Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 18, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 18, 2023



Malaki ang posibilidad na umagaw ng pansin ang mga bigating coach ng Team USA mula sa mga manlalaro pagdating sa Pilipinas para sa 2023 FIBA World Cup. Maliban kay head coach Steve Kerr na may-ari ng pinagsamang siyam na singsing bilang sagisag ng pagiging kampeon ng NBA – lima bilang manlalaro at apat bilang coach – may tatak Pinoy ang kanyang mga assistant na sina Coach Erik Spoelstra at Coach Chip Engelland.


Ipinagmamalaki ni Coach Spoelstra na Filipina ang kanyang ina na tubong Laguna. Si Coach Engelland ay ipinanganak na Amerikano subalit naging mamamayan ng Pilipinas noong Dekada 80 upang magsilbi sa pambansang koponan.


Kung susumahin, may kabuuang 17 singsing ang mga coach kumpara sa isa sa mga manlalaro galing kay Bobby Portis noong 2021 sa Milwaukee Bucks. Ang pagiging salat sa karanasan at maraming baguhan ang isa na madalas ipukol ng mga basher na nagdududa sa kakayahan ng mga Amerikano na mabawi ang kampeonato na huli nilang natamasa noong 2014 sa Espanya.


Idagdag ang tatlo ni Coach Spoelstra sa Miami Heat, tatlo kay assistant coach Tyronn Lue sa Cleveland Cavaliers at manlalaro ng LA Lakers at dalawa kay Coach Engelland sa San Antonio Spurs. Kinuha ni Coach Kerr si Coach Engelland upang magturo ng shooting tulad noong nagtala siya ng 60 puntos sa PBA noong 1984.


Samantala, umatras si Jamal Murray ng NBA World Champion Denver Nuggets sa Team Canada na maglalaro ng group stage sa Jakarta, Indonesia.

Kabilang ang Canada sa Grupo H kasama ang Pransiya, Latvia at Lebanon. Dahil sa nangyari, nakasalalay na sa mga kasalukuyang NBA player Sha Gilgeous-Alexander, Lu Dort, Dillon Brooks, Nickeil Alexander-Walker, Kelly Olynyk, Dwight Powell at RJ Barrett ang laban.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page