ni Ryan Sison @Boses | May 30, 2024
Para madagdagan ang kikitain ng pamahalaan maglalagay na ng tax stamps sa mga vape products.
Sa susunod na linggo ay magsisimula na ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na magpataw ng naturang buwis para sa mga produkto ng vape.
Ayon kay Atty. Venus Gaticales, hepe ng BIR Excise Large Taxpayers Field Operations Division, ang hakbang na ito ay katulad din ng kanilang ginagawa sa paglalagay ng mga tax stamps sa mga imported na sigarilyo.
Tiniyak naman ng opisyal na magiging istrikto ang pamahalaan sa pagpapatupad ng bagong Vape Law upang higit na maproteksyunan ang mga bata, gayundin ang pagtaas sa koleksyon ng buwis.
Dahil sa pag-implementa ng naturang batas simula sa buwan ng Hunyo, inaasahang madaragdagan ang kita na makokolekta ng kagawaran.
Marahil, tama lang na magpataw ng kaukulang buwis ang ating pamahalaan para sa mga ganitong uri ng produkto.
Kapag mas tataas ang tax collection ng bansa mas makakatulong ito sa pag-angat ng ating ekonomiya.
Ito rin kasi ang nakakahiligan ngayon na talagang usong-uso pa habang marami sa ating mga kababayan ay unti-unti na ring lumilipat sa pagbe-vape mula sa paninigarilyo.
Gayunman, dapat tayong maging maingat sa pagbebenta at pagbili nito dahil may mga kabataan na ring gumagamit ng vape products.
Puwede kasing bumili ang kahit sino, maliban sa bawal talagang pagbentahan ng vape ang mga menor-de-edad.
Paalala sa kinauukulan na sana lang ang makokolekta mula sa tax stamps ng naturang mga produkto ay totoong mapupunta sa tamang pinag-uukulang pondo, at hindi dapat magamit sa anomalya ng kung sinuman.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments