top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Taunang bakuna kontra-COVID

BULGAR
Mar 28, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 28, 2022


Isang malaking hakbangin para sa pamahalaan na gawin nang regular kada taon ang pagtuturok ng bakuna laban sa COVID-19 sa ating mga kababayan na ngayon ay pinag-aaralan na ng pamunuan ng Department of Health (DOH).


Ang taunang pagbibigay ng bakuna ay ang tanging paraan umano para mapanatili natin ang kaligtasan ng bawat Pilipino na mapanatili ang kaligtasan laban sa coronavirus disease na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaalis ang banta at patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso sa maraming bansa.


Hindi pa man din kinukumpirma ng pamunuan ng DOH ang mga detalye hinggil sa planong ito ngunit nasa estado na sila ng mga pag-aaral kabilang ang grupo ng mga manggagamot at iba pang eksperto na may kinalaman kung paano mabibigyan ng proteksyon ang ating mga kababayan.


Kabilang sa isinasaalang-alang ay ang populasyon ng bansa, mga high risk na lugar, senior citizen at may iba pang karamdaman upang mailatag nang maayos kung paano ang pantay-pantay na pagbibigay ng bakuna at tuluyan nang hindi tumaas ang kaso sa ating bansa.


Medyo magkakaroon ang mga hakbanging ito ng epekto sa nalalabing panahon na lamang ng administrasyon sa panunungkulan dahil ang pagpapabilis at pagpapalawak ng pagbabakuna ay nakapaloob sa 10-point agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.


Kaya malaki ang kinakaharap ng bagong mamumuno sa bansa kung paano mapapanatili na hindi na muling tumaas pa ang kaso ng COVID-19 na matagumpay nating napaglabanan sa ngayon sa kabila ng marami nating kababayan ang ayaw makisama sa layuning ito.


Sa ngayon ay nakikita ng OCTA Research Team na posibleng umabot sa 300 hanggang 500 kaso ng COVID-19 ang araw-araw na maitatala hanggang sa katapusan ng Marso ngunit hindi umano ito basehan para panghawakan na hindi na muling sisirit pa ang kaso.


Sinusugan naman ito ng DOH na sa kasalukuyan ay mayroon na lamang tayong kaso na naglalaro sa 454 araw-araw na higit na mas mababa sa naiulat na 490 kaso noong nagdaang Disyembre at maging sa National Capital Region (NCR) na epicenter ng pandemya ay umabot ng 35% ang ibinababa sa nakalipas na linggo.


Lumalabas na ngayon lang ulit bumalik sa low risk classification ang COVID-19 case trend sa buong bansa mula noong nakaraang Hulyo at ang Regions 4, 5 at 9 na lang ang nasa high-risk ang ICU utilization rate hanggang sa kasalukuyan.


Dapat lang maintindihan ng ating mga kababayan na bagama’t pababa na ang mga kaso ay hindi pa rin tuluyang decongested ang mga pagamutan sa bansa dahil may katagalan din ang recovery ng mga tinamaan ng COVID-19 na nasa severe at critical na kondisyon.


Idagdag pa ang isa pang ulat ng DOH na may naitala ng unang kaso ng B.1.1.318 COVID-19 variant sa bansa dahil nakakuha na ng sample sa isang 34-anyos na lalaki na may travel history sa UAE at nitong Marso 21 lamang ito gumaling.


Alam naman nating nakakaumay na ang paulit-ulit na detalye hinggil sa pandemya at halos ayaw na itong pakinggan ng ilan sa ating kababayan ngunit mas nakakaumay kung muling dadagsa ang pasyente sa mga pagamutan dahil lang sa masyadong nakampante na sa mababang alert level.


Sa ngayon ay umaabot na sa 141.2 milyong doses ng bakuna ang naiturok sa buong bansa na nagbigay ng proteksyon sa mahigit sa 65.5 milyong indibidwal kabilang na ang naturukan ng single-shot na Janssen at Sputnik Light.


Nitong nagdaang Biyernes ay umabot sa 11.7 milyong indibidwal na kumpleto na sa bakuna ang nabigyan naman ng booster shots base naman sa pagtataya ng National Task Force (NTF) Against COVID-19.


Kaugnay nito ay hinimok pa ng National Vaccination Operations Center (NVOC) ang mga fully vaccinated nating kababayan na magpaturok na ng booster shot kontra COVID-19 dahil sa nalalapit na pagbubukas ng mga border ng bansa para makatulong sa pag-angat ng turismo at ekonomiya.


Ayon sa NVOC, nababawasan umano ang proteksyong ibinibigay ng primary series ng bakuna at kailangan umano ang booster shot para mapanatili ang tinatamasa nating proteksyon laban sa COVID-19 para hindi tayo kakaba-kaba sa pagpasok ng mga turista sa bansa.


Kung inyong matatandaan na matapos ang dalawang taong pagkakasara dahil sa pandemya ay binuksan na nitong nakaraang Pebrero ang mga bansang Estados Unidos, Thailand, Malaysia, Canada, Japan, United Arab Emirates, Indonesia at Australia kaya may mga nagdadatingan ng turista.


Nakaumang na rin sa huling linggo ng Abril o Mayo ang pagbibigay ng 4th dose ng COVID-19 vaccine na ayon sa NVOC ay hinihintay na lamang na aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) para sa pagtuturok nito sa mga senior citizen at indibidwal na may comorbidity.


Alalahanin natin na kabibigay lang ng babala ng World Health Organization (WHO) hinggil sa muling pagtataas ng COVID-19 sa buong mundo at hindi porke pababa ang kaso sa bansa ay kampante na tayo kaya dapat mag-ingat, lalo na ‘yung mga ayaw magpabakuna.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page