Taumbayan, referee sa laban ng katarungan at korupsiyon
- BULGAR

- 2 minutes ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 13, 2025

Kakaibang Biyernes ang nagdaan. Sunud-sunod ang mga pangyayari mula umaga hanggang gabi. Buhay na buhay ang diwa ng pag-asa sa mga kumilos at nagkaisa sa ikalawang linggo ng Adbiyento. Ngayon ay ika-3 linggo ng Adbiyento, ang tinatawag na Gaudete Sunday, o Linggo ng Galak. Ang kulay ng mga damit pangmisa ng pari ay rosas, iba sa karaniwang kulay ng Adbiyento na ube. May dahilan ba tayong magsaya?
Noong nakaraang linggo, nagbitiw ng kakaibang pahayag si Pangulong Bongbong Marcos: nais niyang i-prioritize ang Anti-Dynasty Law, Independent People’s Commission Act bill, Party-List System Reform Act bill, at Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act bill. Marami ang nagulat at nagtaka—totoo ba ito o pa-pogi lamang? Patuloy ang duda at pagod sa pulitika at sa mga pulitiko sa bansa. Panay salita, kulang sa gawa. Kaya ganu’n na lang ang bigat ng dating ng mga salita ni Kardinal Ambo David noong ika-30 ng Nobyembre, nang sabihing, “Magtrabaho naman kayo!”
Madalas tayong sumakay ng taxi, Grab, tricycle, jeep, at MRT o LRT. Madalas nating kausapin ang mga drayber at konduktor, ngunit bihira pa rin nating marinig ang positibong komentaryo tungkol sa pamahalaan. Dismayado at diskumpiyado ang mga mamamayan; malinaw ang agwat sa pagitan ng karaniwang tao at mga lingkod-bayan. Ang mas nakalulungkot pa, dumadami na ang galit—hindi lamang walang ginagawa ang marami sa mga kawani ng pamahalaan, may ilan pang nakakaalam kung paano kumuha ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan.
Ito ang puso ng kaso laban kay Bise Presidente Sarah Duterte. Kung totoo ngang nagtratrabaho ang ating mga opisyales, bakit natutuklasan ang malalaking anomalya sa paggamit ng pondo ng bayan? Mababasa sa reklamo laban sa kanya ang sumusunod:
Illegal, dubious, at anomalous na paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong 2022 at 2023.
Ang staff ng Bise Presidente ay inakusahan ng bribery, malversation, graft, culpable violation of the Constitution, at betrayal of public trust.
Tinutukoy sa reklamo ang sistemang ginamit ng staff ng Bise Presidente para ilipat at pakialamanan ang confidential funds ng dalawang tungkulin nito.
Mabilis sumagot ang kampo ng Bise Presidente: “Rehash lang ito. Dati nang reklamo ng mga kaaway ng Bise Presidente.” Matatandaang ang naunang Impeachment Complaint sa Senado na idini-dribol ni Chiz Escudero at ibinalik sa pinagmulan. Nang makarating sa Kongreso, hinatulan ng Korte Suprema na unconstitutional ang reklamo.
Ano na ang mangyayari sa kasong ito kung mahusay sa dribol ang mga opisyal at ang bagong Ombudsman na si Boying Remulla? Ngunit may iba nang marunong—ang taumbayan. Sa bagong Basketball Court ng Gising na Taumbayan, tayong lahat ang nagiging referee. Babantayan ang Presidente, Ombudsman, Senado, Kongreso, Korte Suprema, DPWH, DepEd, mga kontratista, at lahat ng kagawaran ng pamahalaan.
Babantayan ang mga dinastiya at sariling pamayanan. Kung korupsiyon ang problema, babantayan ang kumukorup, nagpapakorup, nagbibigay o tumatanggap ng ayuda.
Lumitaw ang tala sa langit, sinundan ng Tatlong Hari, at tumigil sa sabsaban kung saan isinilang ang sanggol. Ngayon, lumilitaw na rin ang Tala sa ating bansa. Binubuksan nito ang mata at puso ng bawat isa para makita at tugunan ang tama, isiwalat ang mali, at palaganapin ang kabutihan.
Tunay nga, mahirap at puno ng hamon ang taong 2025. Mabigat ang problema ng pulitikang korup, ngunit kasabay nito ay sumisikat ang mainit at maningning na Tala ng Pag-asa, na tanaw at dama ng bawat isa.








Comments