top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | August 10, 2025



Fr. Robert Reyes



Maraming natuwa nang na-transmit na ng House of Representatives ang “articles of impeachment” laban sa bise presidente noong Pebrero 5, 2025. “Forthwith” ang salitang Ingles na pinagtalunan ng Kamara at Senado noong nakaraang Hulyo. Ang bunga nito ay ang “remanding” ng “articles of impeachment” ng Senado noong Hunyo 10 sa Kamara. Hindi nagtagal, lumabas naman ang salitang “unconstitutional” mula sa Korte Suprema. Hindi nagpatalo ang Senado kaya’t inilabas nila ang pinakahuling salitang “archived”.


Tingnan natin ang mga ibig sabihin ng mga salitang halinhinang ginamit ng Kamara, Senado at Korte Suprema sa kontrobersyal na “impeachment complaint” laban kay Vice President Sara Duterte:


Transmitted: ipinadala ng House of Representatives at tinanggap ng Senado ang impeachment complaint.


Forthwith: o immediately, o agad-agad na dapat sinimulan nang litisin ang bise presidente sa pagtanggap ng Senado ng articles of impeachment.

Remand: ibinalik ng Senado sa HOR ang ipinadala nitong impeachment complaint.


Unconstitutional: sabi naman ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang prosesong sinunod sa pagpapadala ng HOR sa Senado dahil hindi lang isa kundi apat na reklamo ang ipinadala (labag sa isang impeachment complaint lang dapat ang ipinadala).


Archived: sariwang-sariwang salita na ang ibig sabihin ay i-file, itabi para balikan na lang sa “tamang panahon” sabi ni Senate President Chiz Escudero.


Salita, salita, salita. Magagaling ang mga nagsasalita. Siyempre, mga abogadong pinag-aralan ang Konstitusyon at ang mga pamamaraang ginagamit para sa naturang “due process.” Saan matatapos ito? Abangan ang paglabas pa ng mas maraming salita. At habang inilalabas ang mga salita, naaantala nang naaantala ang paglilitis na dapat na matagal nang naganap noon pang nakaraang Pebrero. Kung may tiyaga kang panoorin at pakinggan ang mga talakayang nagaganap sa Senado ngayon, kundi sasakit ang iyong ulo, magsisikip naman ang iyong dibdib.


Kaya ang umiikot na larawan ng isang damdamin na kumakalat ay ang pagtayo ni Kiko Dee, apo ni Cory Aquino, na nag-thumbs down sa harapan ng lahat at mabilis na umalis ng session hall ng Senado. Tila may galit at sama ng loob, ngunit walang pagbitiw sa laban ang nakita ng lahat sa mukha at buong pagkatao ni Kiko. Malinaw na hindi siya nag-iisa. Matalino, propesor, aktibista ang apo ni Cory Aquino. Humahanga ang marami sa kanya at hanga rin ako at maraming kabataang tumitingala sa kanilang kapwa lider ng kabataan.


Ano pa ang sasabihin ng mga senador, ng mga hurado ng Korte Suprema o ng mga abogadong nagtatanggol sa inirereklamo ng impeachment complaint.

Mas marami pang salitang aasahan mula sa mga magagaling gumamit, lumikha at magtago sa salita. Marami tayong kaibigang abogadong magagaling at matitino.


Marami rin tayong nakilala at nakasamang mga mahuhusay ngunit hindi matitinong abogado sa iba’t ibang adbokasiya natin. 


Mataas ang paggalang natin sa mga magagaling, lalo’t higit ang matitinong abogado. Kasuklam-suklam ang pagbubusabos ng ilang mga abogado sa kanilang sagradong bokasyon bilang lawyer.


Kaugnay nito ang mga pariseo, na numero unong kalaban ni Kristo noong kapanahunan niya. Kung ano ang ginagawa ngayon ng maraming abogado sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan ay siya ring ginawa ng mga pariseo noong panahon ni Kristo.


Kailangang-kailangan nilang patahimikin si Kristo dahil hindi nila matiis marinig ang katotohanang laging ipinapahayag nito. Paano patatahimikin si Kristo? Madaling-madali para sa mga pariseo. Gawan siya ng kaso at iharap sa hukom. Nanggugulo at nagtatawag ng rebelyon laban sa gobyernong Romano. Sinulsulan ang mga tao na sumigaw laban kay Kristo. Kung anuman ang ibinigay at ginawa ng mga nagsulsol sa mga tao, basta’t nagtagumpay sila.


Ganito rin halos ang nangyayari sa ating bansa. Matapos ang mahabang paglilitis ng QuadCom sa mga tila anomalyang sangkot ang bise presidente, kumilos na ang iba’t ibang grupo para itulak ang kanyang impeachment trial sa Senado. 


Pero, urong sulong ang lahat ng bagay. Susulong ng ilang hakbang at uurong ng mas maraming hakbang. Bakit hirap itulak ang tama? Bakit kaydaming humahadlang at sumisira sa proseso ng hustisyang batay sa katotohanan? Bakit may dalawang uri ng hustisya: para sa mayaman at makapangyarihan, at para sa dukha? Maaari bang mabili ang hustisya? Dapat hindi ngunit sa panahon ni Kristo hanggang ngayon nananaig ang korupsiyon sa lahat ng antas.


Mahalagang paalala sa mga sanay sa paggamit at pagbaluktot sa batas. Basahin muli ang mula 2 Corinto 3:6:


“Niloob niyang kami ay maging lingkod ng bagong tipan, tipang hindi nababatay sa kautusang natititik kundi sa Espiritu. Sapagkat ang dulot ng titik ay kamatayan, ngunit ang Espiritu’y nagbibigay buhay.”

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 24, 2024



Fr. Robert Reyes


Prutas, gulay, bulaklak ang kakaibang palamuti o dekorasyon ng buong altar, sa gitna at sa magkabilang gilid. 


Kinailangang magtanong sa isang kilalang designer o couturier kung posible nga bang gawing maganda at sagrado ang dating ng altar kapag ito ay papalamutian ng gulay at prutas kasama ang mga bulaklak na karaniwang ginagamit para sa paggagayak ng mga latar? Sagot ng aming kaibigang couturier, “Bakit naman hindi?” Alam naming puwede ngunit, hindi kami sanay at wala o kakaunti lamang ang may karanasang maggayak ng altar na prutas, gulay at bulaklak ang gamit.


Sa buong araw ng pagdiriwang at pasasalamat ng parokya para sa mga biyayang tinanggap, buong araw ding magpapakain ngunit sa natatangi at kakaibang paraan.


Walang isda, manok, karneng baboy o baka ang handa. Sa madaling salita, walang dugo ng pinatay na hayop o isda na karaniwang handa sa anumang pista. Sa halip, sari-saring kakanin, prutas at gulay na ihahanda kasabay ng kanin para sa lahat. Bakit? Nais ba naming itaguyod ang pagiging “vegetarian” o gulay lang ang kakanin?


Nagsimula na kaming makipag-usap sa mga opisyales ng Barangay Bahay Toro, Project 8, Quezon City. Nagkasundo kaming magkasamang maghahanap ng paraan na maglingkod sa lahat (tao at kalikasan) ayon sa mga matitinding hamon ng panahon at sitwasyon. 


Matindi ang “init” at maraming apektado at delikado dahil sa panganib ng heat stroke. Matindi ang “basura” maski saan. Sa halip na magbawas at iwasan ang pagkakalat, lalo pang nadaragdagan ang basura at ikinakalat ito kung saan-saan. Namamatay ang mga puno, mga halaman, tanim, gulay, gayundin, namamatay ang mga hayop na walang matinong silungan. Ito ang banta at panganib ng labis na init at polusyon.


Hindi man pinag-uusapan ngunit grabe na naman ang usok. Balik ang lahat ng sasakyan sa daan. Kung marumi ang hangin ganoon din karumi ang tubig na tumatanggap ng mga lason mula sa kalat at basurang ‘solid’ o ‘liquid’. Tinatalakay na rin ngayon ang lumalalang polusyon sa tubig mula sa mga batis, ilog at lawa hanggang sa karagatan. Kasama rin ang polusyon ng ingay -- ng mga sasakyan, mga malalakas na radyo sa mga dyip at tricycle, karaoke at iba pa sa mga tahanan. Ingay ng mga nagsisigawan, nagkukuwentuhan, nag-aaway. Kaya nasanay na lang sa walang humpay na ugong at ingay ng paligid na bingi at uhaw na uhaw sa tinig at himig ng katahimikan.


Sa aming pakikipag-usap at pagninilay kasama ang barangay, nakita namin ang kaugnayan ng kalikasan sa kalusugan. Kabilang din ang matinding problema ng kabuhayan na siyang dahilan kung bakit napakaraming walang sariling tahanan at nasanay nang tumira sa siksikan, mainit at mapanganib na mga pansamantalang tirahan ng maraming maralitang taga-lungsod.  Kalikasan, kalusugan at kabuhayan, napakalaking problema at pagkukulang. Napakalawak na pananagutan ang tatlong ito. 


Ngunit, tumitindi ang pang-apat na “k,” dahil sa panghihimasok, panduduro, pambu-bully ng Tsina sa ating mga mangingisda, Phil. Coast Guard at Navy, kailangang-kailangan nang pag-usapan ngayon ang kabayanihan.


Aanhin mo ang kalikasan, ang kalusugan at kabuhayan kung wala kang laya dahil niyurakan na ang kasarinlan, ang soberanya ng iyong bayan? Dahil sa palala nang palala ang panghihimasok at pang-uudyok ng mga barkong Tsino, tinatanong na ng marami kung ano ang mangyayari sa bansa, at kung ano ang maaari at dapat nating gawin upang ipagtanggol ang ating bayan at soberanya laban sa Tsina.


Sinimulan na ng barangay at simbahan sa Project 8, Quezon City ang pag-uusap at mga maliliit ngunit mahahalagang hakbang tungo sa paligid at pamayanang nagpapahalaga sa kalikasan, kalusugan, kabuhayan at kabayanihan.


At dahil simbahan ang nakikilahok sa usapin ng mabuting pamamahala (good governance na siyang puno’t dulo ng pagpapahalaga sa apat na “k”), kailangang isipin ang kaugnayan ng pang-apat na “k”. Ano nga ba ang kaugnayan ng kabanalan sa kalikasan, kalusugan, kabuhayan at kabayanihan? 


Nasagot namin ang katanungang ito sa pamamagitan ng matalinhagang larawan ng altar at napaghandaan ng aming Parokya ng Ina ng Laging Saklolo nitong Linggo. Nakita at natunghayan natin ang mga gulay, prutas, bulaklak at halaman sa gitna at magkabilang gilid ng altar. Nakita rin natin ang malaking bandera ng ating mahal na bansa na dapat ilabas, ipagmalaki at iwagayway nang husto para higit na pag-isahin at paigtingin ang ating mga diwa, damdamin, isipan at kalooban na mahalin at ipagtanggol ang nanganganib nating bansa.


Isang luntian, malinis at malusog, masagana’t maunlad, maka-Pilipino, mapayapa, ligtas at tunay ngang banal na pista ng Ina ng Laging Saklolo. Maligayang pista sa lahat!

 
 
  • BULGAR
  • Oct 10, 2021

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 10, 2021



Ibang-iba na ang Senado ngayon kumpara sa Senado noong simula ng administrasyong ito. Wala pang isang taon pagkalipas ng pambansang halalan noong Mayo 2016, naipakulong na si Senator Leila de Lima. At napakalinaw kung bakit ganun na lang kabilis ang panggigipit at pagtugis sa senadora mula sa mga hearings sa Kongreso hanggang sa pag-isyu ng arrest warrant laban sa kanya batay sa hindi pa napapatunayang alegasyong “sangkot ito sa ilegal na droga.” Tahimik ang karamihan ng mga senador. Iilan lang ang tumututol, kasama na sina Drilon, Hontiveros at Pangilinan.


Nang nagsimula ang trabaho ng Senado ng ika-18 Kongreso, malinaw ang hindi madaling trabaho ng oposisyon dahil aapat lang ito laban sa dalawang pung kasama o sumusuporta sa Administrasyon.


At dahil kasisimula pa lamang ng termino ng bagong pangulo, na mabangung-mabango pa sa mga sumuporta sa kanya, tahimik, pigil at sukat na sukat ang pananalita at pagkilos ng mga senador. Hindi man pinatawag ng Pangulo ang mga senador sa Malacañang o pinigilan ang mga ito na magsalita o makialam malinaw na malinaw na wala kundi ang apat na Senador ng oposisyon ang nagsasalita at naninindigan sa malinaw na isyu na naghuhumiyaw na mabigyang-pansin. Nang sinimulan nang murahin,insultuhin at paratangan ng kung anu-anong akusasyon si Sen. Lima hindi pinagtanggol ito ng nakararami sa mga senador na bumubuo ng Senado. Kaya patuloy ang mga planadong pangyayari na humantong sa madilim na araw ng pag-aresto sa inosenteng senador noong ika-24 ng Pebrero 2017.


Mabilis ang mga pangyayari mula nang ihain ang senadora noong ika-13 ng Hulyo 2016 ang Senate resolution na imbestigahan ang mga kaso ng Extrajudicial Killings noong Mayor ng Davao si Rody Duterte.


Mula noon sunud-sunod na ang demolition job laban sa senadora. Inilabas na ang kaugnayan nito sa kanyang dating drayber na diumanong kumukolekta ng donasyon mula sa mga drug lords para sa kanyang kampanya sa pagka-senador. Lumabas din ang matrix na sinasangkot ito sa ilegal na droga hanggang sa tumestigo na rin ang mga high-profile drug convicts sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa laban sa Senadora.


Tinanggal pa rito ang Committee on Justice and Human Rights nang imungkahi ni Senador Manny Pacquiao na ibakante ang buong Kumite. Kaya pinalitan ni Senador Dick Gordon ang Senadora sa pamumuno sa saturang kumite.


At ngayon, isa-isa nang umaalma ang mga tahimik na senador noong batang-bata pa ang kasalukuyang administrasyon. Hindi lang matanda na at halos matatapos na ang termino ng Pangulo, ngunit tila takot na takot na ito dahil sa patuloy na pag-uungkat ng posibleng kaugnayan nito sa iskandalo ng bilyones na korupsiyon ng Pharmaly.


Simula pa lamang ng pangangampanya nang magbitiw na ng maaanghang na salita ang isang kandidato sa pagka-Pangulo laban kay VP Leni Robredo at tinawag itong peke dahil sa pagpili nito ng kulay ng kanyang kampanya.


Ito ang problema, matagal nang pinagtatalunan ang kulay ng pulitika. Pula, dilaw, blue, green, violet o pink ba ito? Ang kulay ba ng pulitika ang higit na mahalaga o ang kulay ng katotohanan.


Ang kumukulay sa pulitika ay ang pagtingin at kahandaang ipagtanggol, panindigan, ipaglaban at higit sa lahat isabuhay ang katotohanan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page