Taumbayan, patutulungin vs. korupsiyon

ni Ryan Sison - @Boses | November 12, 2020
Ngayong taon, ilang ahensiya ng gobyerno ang nabuking na sangkot sa korupsiyon.
Labis itong ikinadismaya ng publiko dahil sa halip na magamit sa makabuluhang proyekto ang pondo ng mga ahensiyang ito, eh, napunta lang sa kani-kanilang bulsa.
Kaya naman ngayon, nagsisimula nang umaksiyon ang pamahalaan para matuldukan ang korupsiyon sa bansa.
Kaugnay nito, muling nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kawani ng gobyerno na walang puwang ang korupsiyon sa kanyang administrasyon. Aniya, maraming puwedeng ipalit sa mga taong-gobyernong ginagawang gatasan ang kani-kanilang ahensiya, at una nang nasuspinde ang ilang empleyado ng Bureau of Immigration at DPWH dahil sa umano’y katiwalian. Bukod sa kasong administratibo, posible ring makulong ang mga kawani dahil may kasong kriminal na isinampa laban sa kanila.
Gayunman, nangako ang pangulo na magbibigay ng pabuya sa sinumang makapagtuturo ng mga tiwali sa pamahalaan. Aniya, nasa P50,000 hanggang P100,000 ang ibibigay na pabuya sa magtuturo ng tiwaling opisyal ng gobyerno tulad ng pagkakaroon ng ghost project.
Sa totoo lang, matagal nang dapat natapos ang isyung ito, pero ngayong umaaksiyon na ang gobyerno, humanda na kayo.
Tapos na ang maliligayang araw ng mga nagpapasarap lang sa puwesto at yumayaman dahil sa kaban ng bayan.
At tayo namang publiko, maging bahagi tayo ng paglutas sa problemang ito. ‘Wag tayong matakot magsumbong kung para naman ito sa ating ikabubuti. ‘Wag nating hayaan na manatili sa puwesto ang mga tiwaling opisyal na ito.
Habang nakikipaglaban tayo sa pandemya, ‘wag natin kalimutan ang iba pang nangyayari sa ating bayan. Sabay-sabay nating labanan ang pandemya at korupsiyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments